Kurakot na balakyot

KURAKOT NA BALAKYOT
(alay sa unang Black Friday Protest 2026)

bakit ang pondo sa ghost flood control 
sa bulsa ng trapo'y bumubukol
buwis ng bayan ang ginugugol
sa kapritso nitong trapong ulol

Bagong Taon na, iyan pa'y tanong
na noon pang nakaraang taon
mga kawatan ba'y makukulong?
lalo't pulitikong mandarambong!

matutuwa ba tayo sa ganyan?
kayraming lingkod bayang kawatan
na ang pinagsasamantalahan
ay maliliit na kababayan

paulit-ulit ang ating sagot
sa ginagawa ng mga buktot
ikulong na lahat ng kurakot!
panagutin ang mga balakyot!

Bagong Taon na, ano na ngayon?
walang malaking isdang nakulong
dilis lang, walang pating o leyon
walang TONGresista at senaTONG

- gregoriovbituinjr.
01.02.2026

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwentong manananggal

Maling tanong, kaya walang tamang sagot

Nakalilibang na palaisipang aritmetik