Solo man sa bisperas ng Bagong Taon
SOLO MAN SA BISPERAS NG BAGONG TAON
di ko hinahanap ang kasiyahan
sa pagpalit ng taon, bakit naman?
buti kung sistema ang napalitan
natayo na'y makataong lipunan
sasalubungin ko ba ng paputok
ang Bagong Taong namumuno'y bulok
kung mga buwaya ang nakaluklok
kung mga buwitre ang nasa tuktok
aanhin ko ang maraming pagkain
kung simpleng buhay sapat na sa akin
buti pang may aklat na babasahin
kaysa daliri'y maputukan man din
Bagong Taon nga, kayrami pang buktot
na pondo ng bayan ang kinurakot
tumitindi ang sistemang baluktot
may pag-asa pa ba, nakalulungkot
sa Bagong Taon, patuloy ang laban
hangga't kaytindi ng galit ng bayan
sa mga trapong walang kabusugan
na buwis ng bayan ang sinasagpang
- gregoriovbituinjr.
12.31.2025

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento