Upang di masayang ang wi-fi
UPANG DI MASAYANG ANG WI-FI
dahil sa wi-fi, dapat may ma-upload akong tulâ
nang di masayang ang wi-fi na binayarang sadyâ
buwan-buwan, at kaysaya na kung may nalilikhâ
tula bawat araw, isa, dalawa, tatlo pa ngâ
may tulâ na agad pagmulat sa madaling araw
mula sa napanaginipang gubat na mapanglaw
rumagasâ, bahâ, nakita, nasuri, natanaw
dahil sa wi-fi, mag-upload ay misyong agap-galaw
isusulat, ia-upload yaong tulang nangusap
bakit kaybagal ng hustisya sa mga mahirap
habang may due process sa mga pulitikong korap
dapat makapag-upload, wi-fi ay gamiting ganap
ang tula't wi-fi ang komunikasyon ko't koneksyon
sa daigdig mula paggising, pagmulat, pagbangon
iba't ibang isyu ng masa'y ilantad ang misyon
samutsaring tulâ ng makata'y i-upload ngayon
kayâ wi-fi ay bigyang halaga, isang tungkulin
iyon muna'y bayaran, kaysa bumiling pagkain
kung paano popondohan ito'y pakaisipin
para sa abang makatang walâ sa toreng garing
- gregoriovbituinjr.
11.06.2025

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento