Sabado, Hulyo 15, 2023

Payak na pamumuhay

PAYAK NA PAMUMUHAY

payak lamang ang buhay naming tibak na Spartan
lalo't patuloy na nakikibaka sa lansangan
talbos ng kangkong at tuyong hawot man itong ulam
pinapapak man ng lamok, at banig ang higaan

kaming tibak na Spartan ay nariritong kusa
upang depensahan ang dukha't uring manggagawa
laban sa mga gahaman at mapang-aping linta
na nakikinabang sa dugo't pawis ng paggawa

patuloy naming hinahasa ang aming kampilan
at isipan at pinag-aaralan ang lipunan
bakit laksa'y naghihirap at mayama'y iilan
paano mababago ang bulok na kalagayan

sariling kaginhawahan ay di namin adhika
kaya pagpapayaman ay di namin ginagawa
nais naming dukha'y sabay-sabay na guminhawa
kaya aming itatayo'y lipunang manggagawa

- gregoriovbituinjr.
07.15.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Hustisya kina Renee Nicole Good at Alex Pretti

HUSTISYA KINA RENEE NICOLE GOOD AT ALEX PRETTI dalawang pinaslang ng ahente ng U.S. dalawang sibilyang walang baril at laban Enero nang mang...