Miyerkules, Pebrero 23, 2022

Sa pagtingala

SA PAGTINGALA

nasa ulap ang iyong hiwaga
kaya pag bumagyo'y bumabaha
umaambon nang kabi-kabila
hanggang lumakas at maging sigwa

ang iyong ganda'y tinititigan
pagkat tanda ng kaliwanagan
tunay kang tanglaw ng santinakpan
sa iyong kayputing kaputian

kayrami mong kwentong di masilip
kahit pag-iisipa'y di malirip
hanggang bumagsak na lang sa atip
yaong tikatik mong halukipkip

sana sa iyo'y makapanganlong
di man pumatak sa aming bubong
sa himpapawid ay sasalubong
sa gayon, sa iyo'y makisilong

- gregoriovbituinjr.
02.23.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa paglubog ng araw

‎SA PAGLUBOG NG ARAW ‎ ‎sa paglubog ng araw, kami'y liwanag sa gabi ‎huwag ituring na malamlam na ilaw sa poste ‎kahit inuuban na, kami ...