Tanagà sa unos

TANAGA SA UNOS

1
kinain ng bangungot
ang inaaring lungkot
pag tagbagyo’y bantulot
na sa puso’y kukurot

2
nanagasa ang unos
at kayraming inulos
na pulos mga kapos
at sa buhay hikahos

3
tayo ba’y beterano
ng mga baha’t bagyo
at resilient daw tayo’t
pinupuring totoo

4
pag bagyo’y nanalasa
maghanda na ang masa
kalamidad pagdaka
ay talagang disgrasya

5
pag bagyo’y rumagasa
aba tayo’y maghanda
lalo na’t ang pagbaha
ay talagang malala

6
gawin natin ang dapat
upang masa’y mamulat
upang hindi masilat
ng bagyong bumabanat

* Unang nalathala ang tulang ito sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 20.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang mga bagyong Rolly at Ulysses

Pananalasa ni Ulysses, nagpalubog sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela

Sa daang matinik ng buhay