Lunes, Nobyembre 10, 2025

At muling nangalampag si Uwan sa bahay ni Juan

AT MULING NANGALAMPAG SI UWAN SA BAHAY NI JUAN

ngayong lamang, muling nanalasa si Uwan
kinalampag ang bubong ng bahay ni Juan
maririnig mo ang rumaragasang hangin
na tila ba bahay ay kanyang lalamunin

buti't bubong ng bahay pa rin ay matibay
kinakaya si Uwan na kaytinding tunay
tila ba tayo'y pilit niyang nilulupig
tila ba ulan at hangin ay nagniniig

anong gagawin natin kundi ang magbasa
ng aklat, o magsalin ng asignatura
basta tiyaking gamit ay di mababasâ
kaya maging alerto lagi't maging handâ

sige lang, Uwan, ilabas mo ang galit mo
habang galit ng bayan, ilabas ding todo
sa mga kurakot, dapat silang masingil
silang kawatan sa pondo'y dapat mapigil

- gregoriovbituinjr.
11.10.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1BqXsyJAiF/ 

Sunny side up sa sinaing

SUNNY SIDE UP SA SINAING

paano kung wala kang mantika sa bahay
maulan at baha, ayaw mo nang lumabas
subalit nais ng anak mo'y sunny side up
na itlog, may paraan kung nais lumingap

sa sinaing, bago pa mainin ang kanin
bakatan ng puwet ng baso ang sinaing
pag may puwang na, itlog ay iyong basagin
at ilagay lang sa puwang, lagyan ng asin

ang itlog, sandali'y lilipas, pag nalutò
presto! may sunny side up na ang iyong bunsô
sunny side up sa kanin, tanda ng pagsuyò
at matalinong diskarteng di naglalahò

may sapaw ka pang okra, may sunny side up pa
anong sarap ng kain ninyo sa umaga
sa gas o sa kuryente'y nakatipid ka na
mga mahal mo'y matutuwa pang talaga

- gregoriovbituinjr.
11.10.2025

Panawagan nila'y parusahan na ang mga kurakot!

PANAWAGAN NILA'Y PARUSAHAN NA ANG MGA KURAKOT!

kinunan ko ng litrato nang makita ang panawagan
na "Parusahan ang mga magnanakaw sa ating bayan
at mga kasabwat na Kontraktor, Senador at Kongresman"
ng UP Workers Union, aba'y sang-ayon din ako riyan

ang mga kurakot, pag di naparusahan, babalik din
sa kanilang krimen at karumal-dumal nilang gawain
imbes magsilbi sa bayan, bulsa nila'y pabubukulin
kawawa muli ang bayan sa mga buwayang salarin

kaya dapat parusahan lahat ng mga nasasangkot
at nandarambong sa pondo ng bayan, silang mga kurakot
dapat may mga ulong gumulong, kundi man ay mapugot
parusahan na sila hanggang buto'y magkalagot-lagot

kaybilis ng batas mamarusa pag dukha ang nang-umit
ng isang mamon upang may mapakain sa kanyang paslit
ngunit pag mayayamang bilyon-bilyong piso na'y kinupit
may due process pa ang mga walanghiyang dapat mapiit

- gregoriovbituinjr.
11.10.2025

Linggo, Nobyembre 9, 2025

Bato-bato sa langit

BATO-BATO SA LANGIT

Bato-bato sa langit
Hustisya'y igigiit
Pag ginawâ ay lupit
Sa dukha't maliliit

Kayraming pinilipit
Pagpaslang ang inugit
Due process ay winaglit
Mga buhay inumit

Tulad ng abang pipit
Pag bayan ay nagalit
Sa tokhang na pinilit
Bato man, ipipiit

Nanlaban pati paslit?
Tanong natin ay bakit?
Buhay nila'y ginilit
Ng sistemang kaylupit

- gregoriovbituinjr.
11.09.2025    

Hinahampas ng bagyong Uwan ang bahay ni Juan

HINAHAMPAS NG BAGYONG UWAN ANG BAHAY NI JUAN

matapos ang bagyong Tino na nanalasang tunay
na higit dalawang daang katao na'y namatay
ngayon nama'y nananalasa na ang bagyong Uwan
kaylakas niyang hinahampas ang bahay ni Juan

kaya ang daranasin natin ay matinding sigwâ
na kung maayos ang kanal sana'y agad mawalâ
paano kung D.P.W.H. gumawa niyon?
flood control project na ba'y guniguni na paglaon?

mag-iingat po tayo kung may yerong lumilipad
na sa atin at sa pamilya'y baka makasugat
mag-ingat din sa open manhole at lestospirosis
sa panahon ngayon ay mahirap nang magkasakit

bahay man ni Juan o kaya'y ang bahay ni Kuya
sana'y maging handâ, at magbayanihan talaga
gawin ay makipagkapwa, at di makasarili
isipin din natin ang kapwa, di lang ang sarili

- gregoriovbituinjr.
11.09.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:

Napanalunang aklat

NAPANALUNANG AKLAT

nakinig ako sa zoom nilang talakayan
hinggil sa mga aklat, mula pamantasang
Ateneo, Kagawaran ng Filipino
at sa pa-raffle nila, nanalo ng libro

ang aklat ay Poems ni Martin Villanueva
bagamat ngayon ko lang siya nakilala
di sa personal, kundi sa aklat ng tulâ
nasa Ingles, wala pang walumpung pahinâ

kanina, dumating ang kartero sa bahay
at natanggap ko na ang premyo nilang bigay
dagdag na koleksyon sa munti kong library
nakapagbabasa pa kahit super-busy

sa Ateneo, taos kong pasasalamat
sa librong itong ngayon ay binubulatlat
dedikasyong: "Hope you find something worthwhile in THIS"
ng awtor sa aklat, sa pagod ko'y nag-alis

- gregoriovbituinjr.
11.09.2025

Sabado, Nobyembre 8, 2025

Pasig Laban sa Korapsyon

Pasig Laban sa Korapsyon
Isang Mabigat na Misyon
Tunay na Dakilang Layon
At Tanggap Natin ang Hamon!

- gregoriovbituinjr.
11.08.2025

* Kinatha at binigkas na tulâ sa Musika, Tulâ at Sayaw sa Plaza Bonifacio, Pasig, 11.08.2025 

Anagram ang pen name

ANAGRAM ANG PEN NAME ‎ ‎ang dalawang / may-akda kong / napipisil ‎ay may mga / ngalang gamit / na pampluma ‎si Marcelo / H. Del Pilar / ay P...