Lunes, Oktubre 21, 2024

Team Asia, panalo sa Reyes Cup

TEAM ASIA, PANALO SA REYES CUP

Team Europe at Team Asia sa unang Reyes Cup
ay nagsubukan ng galing, sisinghap-singhap
ang Team Europe nang sila'y ilampasong ganap
ng Team Asia na sa kanila'y nagpahirap

pinangalan iyon kay Efren "Bata" Reyes
na sa bilyar ay magaling makipagtagis
ang "Magician" dahil sa tirang makikinis
na buong lamesa'y kaya niyang malinis

Team Europe at Team Asia ay naglabang sadya
nang unang Reyes Cup ay ginanap sa bansa
pinakita nila'y sadyang kahanga-hanga
na ang team work nila'y di basta magigiba

sa bumubuo ng Team Asia, pagpupugay!
na sa pagsargo't pagtumbok ay kayhuhusay
ang inyong panalo'y kasaysayan ngang tunay
ang hiyaw namin: mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
10.21.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Pang-Masa at Bulgar, Oktubre 20, 2024

Manggagawa naman

MANGGAGAWA NAMAN

banner ay taas-kamaong bitbit
"Manggagawa Naman" yaring sambit
ito ang dapat nating igiit
at sa masa tayo'y magsilapit

sigaw sa mga trapo: Tama Na!
sa masa: Baguhin ang sistema!
labanan ang kuhila, burgesya
at pulitikal na dinastiya

mundo'y binuhay ng manggagawa!
subalit sila pa ang kawawa!
paano kung walang manggagawa?
lahat ng kaunlaran ay wala!

magkapitbisig tayo, kabayan!
at isigaw: "Manggagawa Naman"
at sila'y iluklok natin upang
pamunuan ang pamahalaan

- gregoriovbituinjr.
10.21.2024

Linggo, Oktubre 20, 2024

Tulang walang pamagat III - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

TULANG WALANG PAMAGAT III
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

III.

Ang mamamayan ay mga asno. Nagsabit ako ng mga batingaw sa leeg nila para awitan nila ako habang ako'y nakahiga sa batuhan.

Hangal ang mamamayan. Sila'y isasabit ko sila sa aparador na parang mga damit pangtaglamig.

Mahihinog na ang sebada sa Mayo. Inihanay ng bawat tangkay ang mga binhi nito sa maayos na paraan upang makatayo sila sa tarangkahn ng langit.

Kaya kong maghanay ng mga salitang walang kahulugan.

Kaya kong lumikha ng kahulugan mula sa kawalan.

Isinusuga ko ang isang kabayo malapit sa sebada at umaapaw ang kahulugan.

Ang kahulugan ay kaayusan.

Ang kahulugan ay nagkataon lang.

Ang kahulugan ay hayop ng pasanin na humahakot ng mga pakwan.

Kung maaari ko lang ihanay ang mga bagay tulad ng ginagawa ng isang tangkay ng sebada.

Kinikitil ng sebada ang sarili nitong buhay tuwing Mayo, at binubuksan ng trigo ang pipi nitong bibig tuwing Hunyo.

Ang panahon ko'y sa katapusan ng Agosto.

Sa katapusan ng Agosto, nakalabit ang aking gatilyo.

Ay, kung maaari lang akong mabuhay sa isang baso ng tubig; ang mga ugat kong puti, luntian kong aking buhok, at ang haring araw na tangi kong diyos.

May isa akong awiting lagi kong inuulit. May isa akong malaking kasinungalingang dinikit ko ng pamatse sa kisame, upang dumikit dito ang mga langaw ng katotohanan.

Ang ulo ko'y napakalaking kapara'y lobo. Ang kamay ko'y isang dukhang bituin, ang balaraw ay isang masakit na kapayakang hindi ko taglay, at pagdating ko sa kahulugan, nawala ito sa akin.

- mula sa Alanda

10.20.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Ang buwan

ANG BUWAN

kayliwanag ngayon ng buwan
at may ibong pumailanlang
ang sarili'y napansin namang
nakatanghod lang sa kawalan

may kung anu-anong naisip
may mga isyung nalilirip
tila sa maya'y may humagip
paano siya masasagip

ang maya ba'y ang maralita
na tigib ng hirap at luha
habang nakapangalumbaba
sa dilim ang makatang gala

ang buwan kung ating suriin
may epekto sa dagat natin:
ang matinding hatak o dagsin
kaya may kati't taog man din

- gregoriovbituinjr.
10.20.2024

* dagsin - Ilokano sa gravity
* kati - low tide
* taog - high tide (salitang Batangas)

Muling paggawa ng ekobrik

MULING PAGGAWA NG EKOBRIK

ang maybahay ko'y may naiwang boteng plastik
sa bahay, naisip kong muling mag-ekobrik
na naiwan kong gawaing nakasasabik
lalo't may naipon akong basurang plastik

pinaggupit-gupit ko ang aking naipon
ginupit kong maliliit ang mga iyon
at sa boteng plastik ay nilagay ko roon
muli kong ginawa ang naiwan kong layon

ginagawa lang sa panahon ng pahinga 
matapos ang trabaho't ako'y nag-iisa
kahit paano'y mabawasan ang basura
sa bakuran, sa tahanan at opisina

sa buong taon kahit sampu ang matapos
na ekobrik na pinaghirapan kong lubos
konting sipag lang, wala naman itong gastos
hanggang mga plastik sa bahay ay maubos

paisa-isa munang bote ang gagawin
matitigas na ekobrik ang adhikain
makakalikasang tibak na may layunin
bilang ambag sa paligid at mundo natin

- gregoriovbituinjr.
10.20.2024

Sabado, Oktubre 19, 2024

Dalawang tula - salin ng tula ni Zakaria Mohammed

DALAWANG TULA
Tula ni Zakaria Mohammed
Isinalin sa Ingles ni Lena Tuffaha
(Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.)

I.

Nasulyapan kita habang ako'y tumatakbo. Wala akong panahong tumigil at hagkan ang iyong kamay. Hinahabol ako ng daigdig na parang magnanakaw at imposibleng ako'y tumigil. Kung ako'y tumigil, ako na'y napaslang. Subalit nasulyapan kita: ang iyong kamay ay isang tangkay ng narsiso sa isang basong tubig, nakabuka ang iyong bibig, at ang iyong buhok ay pumailanglang na ibong mandaragit. Napasulyap ako sa iyo ngunit wala akong posporo upang sindihan ang siga at sumayaw sa paligid nito. Binigo ako ng daigdig, pinabayaan, kaya hindi man lang kita nakawayan.

Balang araw ang daigdig ay lalagay sa tahimik, ang mga sira-sirang kable ng tsanel ay titigil sa pagsasahimpapawid, at yaong mga humahabol sa akin ay magkakawatak-watak upang ako'y makabalik sa lansangang iyon, kung saan kita nasulyapan. Hahanapin kita sa parehong upuan: isang tangkay ng narsiso ang iyong kamay, isang ibong mandaragit ang iyong ngiti, at isang namulaklak na punongkahoy ang iyong puso. At doon, kasama mo, sa ilalim ng lilim ng iyong punongkahoy, ay wawasakin ko ang tolda ng aking pagkaulila at itatayo ang aking tahanan.

- mula sa Kushtban

II.

Isang mapagbigay na kaibigan ang gabi. Lahat ng bagay ay niluwagan ang kanilang mga baging sa rabaw ng aking ulo. Nakaupo sa palibot ko ang aking mga minamahal na para bang nasa isang piging. Ang mga minamahal kong nawala na. Ang mga minamahal kong narito pa, at mga minamahal pang darating. At ang kamatayan ay asong bantay na nakatanikala sa tarangkahan. Tanging ang hangin ni Khamaseen lamang ang galit na humahampas sa pintuan. Si Khamaseen ay isang kasuklam-suklam na kapitbahay; naglagay ako ng bakod sa pagitan namin, pinatay ang mga ilaw sa aming pagitan.

Masaya ako, umaawit tulad ng isang baras ng ephedra, sumisigaw tulad ng isang mandaragit.

Huwag pamiwalaan ang aking mga salita. Huwag abutin ang mga baging sa karimlan. Ang gabi ay isang kasunduan ng mga lagim. Sampung ibon ang natutulog sa puno, subalit ang isa'y balisang paikot-ikot sa bahay. At tulad ng alam mo, sapat na ang isang ibon upang sirain ang isang buong piging, isang mitsa upang masunog ang isang kabihasnan.

Malamig ang pagkain. Pagkatapos ay nagmumog ako kasama si Khamaseen, at hinugasan ang aking mga kamay gamit ang kusot.

Kung mayroon mang silbi ang pagluha, marahil ay luluha ako sa harap ninyong lahat. Subalit ang pagluha'y nangangailangan ng higit na lakas kaysa sa taglay natin, kaya aawit ako para sa inyo tulad ng malambot na hanging Saba, aawit ako sa katutubong wika ng tangkay ng murang basil: ang gabi ay bato ng amber. Ang gabi'y isang kasunduang kamangha-mangha.

- mula sa Alanda (Ephedra)

10.19.2024

* Si Zakaria Mohammed ay isang makatang Palestino, mamamahayag, editor, at mananaliksik na dalubhasa sa kasaysayan ng pre-Islamic Arabian peninsula. Siya ang may-akda ng siyam na kalipunan ng mga tula, kabilang ang The Crow's Date (paparating pa lang). Ang kanyang katha ay naisalin na sa Ingles at Korean. Siya ay mula sa Nablus.

Pinaghalawan ng tula at larawan mula sa kawing na: 
Proyektong pagsasalin na balak ilunsad bilang aklat sa Nobyembre 29, 2024, International Day of Solidarity with the Palestinian People 

Pampito sa nagpatiwakal sa loob ng isang buwan

PAMPITO SA NAGPATIWAKAL SA LOOB NG ISANG BUWAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wala pang isang buwan ay pampito na ito sa kaso ng pagpapatiwakal na nasubaybayan ng inyong lingkod sa pahayagang Bulgar, at ngayon ay headline sa pahayagang Pang-Masa, petsang Oktubre 19, 2024. Ayon sa headline: Kolehiyala, tumalon sa MRT footbridge, patay. Nasa pahayagang Bulgar din ang balitang ito na ang pamagat ay: Coed, tumalon sa MRT footbridge, utas.

Mula sa pagsubaybay ng inyong lingkod, pangatlo siya sa napaulat na tumalon mula sa mataas na bahagi, habang tatlo naman ang nagbigti at isa ang nagbaril sa ulo.

Isa-isahin natin ang mga pamagat ng pitong balita:
(1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa 7th flr. ng Tenement, Dedbol, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(2) Tserman, nagbaril sa ulo sa Brgy. Hall, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(3) Bebot, tumalon sa tulay, patay, pahayagang Bulgar, Setyembre 26, 2024
(4) Kolehiyala, 'Di Naka-Graduate, Nagbigti, pahayagang Bulgar, Setyembre 27, 2024
(5) Tatay, Nagbigti, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024
(6) Napagalitan ng ina, 14-anyos, adik sa ML, nagbigti, patay, pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024
(7) Kolehiyala, Tumalon sa MRT footbridge, patay, headline sa pahayagang Pang-Masa, at nasa pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Oktubre 19, 2024

Pag inaral ang pitong kasong ito, ito'y dahil di na nakayanan ang dala-dala nilang problema, na nauuwi sa pagpapatiwakal. Ang nagpasya'y damdamin at hindi na naisip ang kahalagahan ng isa nilang buhay.

Subalit paano nga ba maiiwasan ang ganitong pagpapatiwakal? Planado ba ito o padalos-dalos na desisyon dahil di na kaya ng kanilang kalooban ang mga ipinagdaramdam nila, at naiisip na lang ay matapos na ang lahat. Ayaw natin silang husgahan, subalit wala nga ba silang pagpapahalaga sa sariling buhay?

Anong maitutulong ng Mental Health Law o Republic Act 11036, at ng nakasalang na panukalang batas na Senate Bill No. 1669, o ang tinatawag na Youth Suicide Prevention Act, upang mapigilan ang ganitong mga pagpapatiwakal?

PAMPITO SA NAGPATIWAKAL SA LOOB NG ISANG BUWAN

bakit tumalon ang kolehiyala 
sa footbridge ng MRT sa Taft-Edsa
ayon sa ulat, posibleng problema
sa pamilya ang dahilan ng pasya

pampito siya sa nagpakamatay
sa loob ng wala pang isang buwan
na inulat sa pahayagang Bulgar
akong nagbabasa'y di mapalagay

umaga pa'y bibili na ng dyaryo
kaya ulat ay nasubaybayan ko
wala bang kakayanan ang gobyerno
gayong batas na iyang Mental Health Law

kung sinong biktima'y siya ring suspek
bakit magpatiwakal ang sumiksik
sa isipan, sa kanila bang hibik
ay walang nakinig, walang umimik

kailangan nila ng tagapayo
sa problema ngunit walang umako
sa mga dinaramdam ay nahapo
at sa kanila'y walang umaalo

nakalulungkot pag sa payo'y kapos
sa problema'y walang kakamping lubos
kaya nagpasyang buhay ay matapos
kaya buhay nila'y agad tinapos

10.19.2024

Sa ika-16 na death monthsary ni misis

SA IKA-16 NA DEATH MONTHSARY NI MISIS ‎ Lagi kitang nasa alaala, O, aking sinta't tanging asawa! Itinutula ko'y pagmamahal. Tila ba ...