Lunes, Setyembre 25, 2023

Alingasngas at aliwaswas

ALINGASNGAS AT ALIWASWAS

ano bang kanilang makakatas
sa mga gawaing panghuhudas
sa bayan? dahil sa yama't lakas?
kaya ba batas ay binubutas?

itaguyod ang lipunang patas
at sa kapwa tao'y pumarehas
labanan ang mga alingasngas
at anumang gawang aliwaswas

- gregoriovbituinjr.
09.25.2023

* alingasngas - kilos o pangyayari na itinuturing na mali at nagsasanhi ng galit ng madla, UP Diksiyonaryong Filipino, p.35
* aliwaswas - katiwalian, UPDF, p.37

Linggo, Setyembre 24, 2023

Muyag at Mulay



MUYAG AT MULAY

dalawang salita na naman ang nakita
salitang di pamilyar, kahulugan - BARYA
ito'y nasa palaisipang magkaiba
na magkasunod kong sinagutang talaga

nang matapos, kahulugan ay tiningnan ko
nais kong makatiyak na sagot ko'y wasto
MUYAG at MULAY pala'y salitang totoo
nasa U.P. Diksiyonaryong Filipino

MUYAG at MULAY sa barya'y ibang salita
na lalawiganin pag inaral ang wika
na marahil magagamit ko sa pagtula
o sa kwento kung nauukol itong sadya

sapat ba ang kahulugan pag sinasambit
o dapat pang mabasa paano ginamit
sa pangungusap yaong salitang nabanggit
ah, salamat, MUYAG at MULAY ay nabatid

- gregoriovbituinjr.
09.24.2023

Palaisipan #16
11 Pahalang - Barya
Sagot: MUYAG

Palaisipan #19
26 Pababa - Barya
Sagot: MULAY

U.P. Diksiyonaryong Filipino
MUYAG - barya, p.804
MULAY - sa Batangas, barya, p.799

Sabado, Setyembre 23, 2023

Sa pagkatha

SA PAGKATHA

di dahil sa inspirasyon kaya nakatutula
maysakit man, malungkot, nagdurusa, o tulala
di man inspirado, basta may sasabihing sadya
ay kaya mong isulat anumang nasasadiwa

huwag tititig sa papel kung walang sasabihin
at doon pipiliting pag-isipan ng malalim
ang paksang di pa batid o nakalutang sa hangin
huwag haharap sa kompyuter kung walang gagawin

basta may sasabihin ka'y tiyak makasusulat
maisasatitik ang anumang nadadalumat
may maaakda sa pagitan man ng mga sumbat
may makakatha gaano man kalalim ang sugat

huwag hintaying inspirasyon ay basta dumampi
na mangyayari'y mapapakagat ka lang sa labi
magsulat ka lang tulad ng pagtatanim ng binhi
isang payo iyang sa inyo'y nais ibahagi

- gregoriovbituinjr.
09.23.2023

Kampyon sa walong dibisyon

KAMPYON SA WALONG DIBISYON

iisa lang ang sagot sa palaisipan
sino ba ang 8-division champion ng boxing?
tinatanong pa ba iyan? si Pacquiao iyan!
boksingerong Pinoy na talagang kaygaling

sa labingpitong weight classes na naririyan
nagkampyon sa walong magkaibang dibisyon
nagkampyon sa flyweight, ang kauna-unahan
sa super bantamweight at featherweight paglaon

dalawang beses kampyon sa superfeatherweight
na kapwa laban kay Juan Manuel Marquez
panglimang dibisyon nang magkampyon sa lightweight
titulo'y naagaw niya kay David Diaz

ikaanim na dibisyon ang light welterweight
nang maagaw kay Ricky Hatton ang titulo
anim na buwan pa'y nagkampyon sa welterwight
nang ma-knowout naman niya si Miguel Cotto

sa light middleweight naman ay nagkampyong tunay
pangwalo laban kay Antonio Margarito
hinangaan si Pacquiao sa bilis at husay
walong dibisyon, kahanga-hangang totoo

- gregoriovbituinjr.
09.23.2023

Komentula

KOMENTULA

di raw ako masalita
tila tinahi ang dila
madaldal lang daw sa tula
at doon ngawa ng ngawa

sa tula nahahalata
ang damdamin ng makata
anuman ang sapantaha
sa katha sinasariwa

patuloy lang sa pagkatha
ang makatang maglulupa
kay-ingay ng nasa diwa
animo'y rumaragasa

mag-ingay ka pa, makata
ikaw na di masalita
sa toreng garing ma'y wala
kinakatha'y komentula

- gbj/09.23.2023

Miyerkules, Setyembre 20, 2023

Nang matalo sa alamat

NANG MATALO SA ALAMAT

"Nothing wrong with losing to a legend." - Thurman

isa iyong kaygandang komento
kaya ako sa kanya'y saludo
nagpakatotoo ang natalo
noong una'y di matanggap ito

kapwa boksingero silang sikat
subalit bangko'y di na binuhat
nagpakumbaba nang madalumat
na tumalo sa kanya'y alamat

sa una'y kay-angas magsalita
na di maitikom ang bunganga
tila sinisilihan ang dila
hanggang naglabanan silang sadya

wala pang talo sa rekord niya
hanggang nagsagupa na talaga
sa unang round, siya'y bumagsak na
nakatayo, tuloy ang giyera

nang matapos, sino ang nagwagi?
talo ang may maangas na labi
alamat ang sa kanya'y gumapi
na sa walong dibisyon naghari

- gregoriovbituinjr.
09.20.2023

Martes, Setyembre 19, 2023

Hanap Salita

HANAP SALITA

natiyempuhan kong may panibagong paksa
kaya agad sinagot ang Hanap-Salita
tulad ng Dragon Ball characters, nagunita
ang palabas na ito noong ako'y bata

labanang martial arts, talagang nakilala
sina Son Goku, Trunks, Picollo, at Vegetta
Krillin, ang mandirigmang babaeng si Bulma
Tien Shinhan, Yamcha, at marami pang iba

apo ni Goku si Goten, anak ni Gohan
di pa ang dragon ball na may kapangyarihan
kaya yao'y pinanood ko't nagustuhan
kundi sa martial art, sila ma'y magliparan

kaygaganda ng labanan, di man totoo
pagkat manga o cartoon na palabas ito
kayhusay ng presentasyon ng pagkukwento
at sa martial art, ako rin dito'y natuto

- gregoriovbituinjr.
09.19.2023

Paalala sa publiko

‎ PAALALA SA PUBLIKO ‎palasak ang No ID, No Entry ‎saanmang tanggapan o gusali ‎ ‎n'ung pandemya, No Facemask, No Entry ‎sa opis, mall, ...