Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Setyembre, 2025

LITKURAN - salin ko sa BACKGROUND

Imahe
LITKURAN - SALIN KO SA BACKGROUND hinanap ko na sa diksyunaryo salin ng BACKGROUND sa Filipino may likuran, karanasan, pondo anong etimolohiya nito? sa Ingles, back at ground, pinagsama ito yaong compound word talaga eksaktong salin nito'y wala pa ngunit ito'y kailangan ko na kaya akin nang napag-isipan salitang "litrato sa likuran" compound word, pagsamahin din naman kaya nabuo ko ang LITKURAN sa disenyo'y kakailanganin sa tulang nalikha't lilikhain sana, salitang ito'y tanggapin ng bayan at ito na'y gamitin - gregoriovbituinjr. 09.16.2025 * ang litkuran ay kuha sa MOA

Kapag nagalit ang taumbayan

Imahe
KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y maiiwasan? iyan ay malaking katanungan sa Indonesia't Nepal, nagalit na ang taumbayan sa korapsyon pati gusali ng parlamento ay nilusob ng masa't sinunog na sa korapsyo'y tanda ng poot nagawa ang di inaasahan sa Pinas ba'y mangyayari iyan? aba'y naging legal ang nakawan sa proyekto ng pamahalaan ghost project nga'y pinag-uusapan tumbukin ang tunay na problema iyang kapitalismo talaga tipid sa serbisyong panlipunan sa ghost project, binaha ang bayan korporasyon ang nakikinabang bulok na sistema ang dahilan kasakiman at kapangyarihan oligarkiya, trapong gahaman at dinastiya pa'y naririyan na dapat ibagsak nang tuluyan - gregoriovbituinjr. 09.16.2025 * ang litkuran (litrato sa likuran o background) ay mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 13, 2025, pahina 2-3

Di ko matiis na di lumahok

Imahe
DI KO MATIIS NA DI LUMAHOK di ko matiis na di lumahok sa rali laban sa mga hayok  bayan ay talagang inilugmok ng mga kuhila't trapong bugok hahayaan ba nating mandambong pa ang mga tiwali't nanggunggong sa bayan, aba'y dapat makulong silang mga ganid at ulupong ninakaw ay di lang simpleng pera kundi higit ay buhay ng masa kumilos na kontra dinastiya, tusong burgesya't oligarkiya pag nabigyan ng pagkakataon ng kasaysayan, tayo'y naroon sistemang matino'y ating layon at paglilingkod sa masa'y misyon ang sistemang bulok na'y palitan ng sadyang nagsisilbi sa bayan itayo'y makataong lipunan, patas, parehas, makatarungan  - gregoriovbituinjr. 09.15.2025

Daang tuwid at prinsipyado

Imahe
DAANG TUWID AT PRINSIPYADO kahit pa ako'y maghirap man mananatilng prinsipyado nakikipagkapwa sa tanan tuwina'y nagpapakatao naglalakad pag walang pera nang masang api'y makausap patuloy na nakikibaka upang matupad ang pangarap na lipunang pantay, di bulok pagkat sadyang di mapalagay laban sa tuso't trapong bugok kumikilos nang walang humpay daang tuwid ang tatahakin ng mga paang matatatag matinong bansa'y lilikhain lansangang bako'y pinapatag - gregoriovbituinjr. 09.15.2025

Sa ngalan ng tulâ

Imahe
SA NGALAN NG TULA sa ngalan ng tulâ, / dangal ko't layunin kumatha't kumathâ, / tula'y bibigkasin marangal na atas / ng diwa't damdamin para sa daigdig, / masa't bayan natin sa ngalan ng tulâ, / balita't nanilay sa maraming isyu / ng dalitang tunay ay dapat ilantad, / bawat tula'y alay sa bayan sapagkat / tula'y aking tulay sa ngalan ng tulâ, / hangad kong lipunan ay patas, parehas / at makatarungan bulok na sistema'y / tuluyang palitan hanggang makataong / lipuna'y makamtan sa ngalan ng tulâ, / makatulong sadyâ nang hustisya'y kamtin / ng bayan, ng madlâ at mapanagot na / ang mga kuhilà, tiwali't gahaman / sa kaban ng bansâ - gregoriovbituinjr. 09.15.2025

Antok pa ngunit dapat magsulat

Imahe
ANTOK PA NGUNIT DAPAT MAGSULAT pagod sa mga ginawa't rali kay-aga kong natulog kagabi ang nasa relo'y alas-nuwebe di na inabot ng alas-onse kaysarap ng aking pagkahimbing madaling araw, biglang nagising at bumangon sa pagkagupiling sa pagkatha na agad bumaling madalas na ganyan ang makatâ pag diwa na'y gising, laging handâ ang hawak na pluma sa pagkathâ kaysa ang naisip pa'y mawalâ nilabas ang nasa diwang iwi ngunit di naman nagmamadali mamaya ay matutulog muli pag nakatha na ang minimithi - gregoriovbituinjr. 09.14.2025

Nangungunang contractor sa bansa

Imahe
NANGUNGUNANG CONTRACTOR SA BANSA siya'y pinaka-contractor ngayon na nagdiriwang ng kaarawan ngunit sadyang may mali sa layon na lupa sa bansa'y parentahan ng siyamnapu't siyam na taon sa mga banyaga o dayuhan anupa't mas matindi pa siya kaysa taga-DPWH kaytindi kaysa mga Discaya; kaya tao'y dapat lang magalit lalo sa isinabatas niya na talaga namang anong lupit ang Republic Act 12252 ay siyamnapu't siyam na taon na lupa'y uupahan ng dayo habang sa dukha'y may demolisyon; sa bigas para tayong nagtampo na sa tusong dayo'y pinalamon - gregoriovbituinjr. 09.13.2025

Pasasalamat at pagpupugay sa mga kasama!

Imahe
PASASALAMAT AT PAGPUPUGAY SA MGA KASAMA! mabuhay kayo, mga kasama! sa ginanap nating talakayan bagamat may kaunting problema ay nagawan naman ng paraan mabuhay lahat ng nagsidalo upang sadyang pag-usapan doon ang tatama't nagbabagang isyu lalo na ang bantang demolisyon Republic Act 12216 nga sa bahay nati'y magdedemolis may police power na ang NHA na tayo'y talagang mapaalis ang forum natin ay matagumpay unang bira sa nasabing batas pagkakaisa'y higpitang tunay laban sa batas na hindi patas salamat po sa partisipasyon mula CHR hanggang NHA maglakad man ay nakakapagod iyon po'y kinaya nating tunay subalit di pa tapos ang laban hangga't di pa naibabasura iyang tinik na batas na iyan sa karapatan ng bawat isa - gregoriovbituinjr. 09.13.2025 * ginanap ang forum ng Alyansa ng Maralita para sa Katiyakan sa Paninirahan (AMKP), Setyembre 11, 2025, sa Commission on Human Rights (CHR) mula 8am-12nn, at nagmartsa mula CHR hanggang National Housing Authority (NHA) at nagdao...

Walong titik na palimbagan

Imahe
WALONG TITIK NA PALIMBAGAN paano kaya ang walong titik sa librong tila kasabik-sabik? malathala kaya'y aking hibik kung magpasang di patumpik-tumpik? - gregoriovbituinjr. 09.13.2025 * kuha sa Manila International Book Fair 2025

Almusal

Imahe
ALMUSAL NA GULAYIN talbos ng kamote at okra payak na almusal talaga sibuyas, bawang, at kamatis na isinawsaw ko sa patis habang katabi ang kwaderno upang isulat ang kung ano nageehersisyo din naman upang lumakas ang katawan bihira muna ang magkanin kaya gulay lang itong hain sa ganito'y nakatatagal kahit maghapon pang magpagal - gregoriovbituinjr. 09.10.2025

Palakad-lakad sa kawalan

Imahe
PALAKAD-LAKAD SA KAWALAN palakad-lakad lang ang makatang tulala bagamat nakaiiwas sa mga baha palakad-lakad, maganda raw ehersisyo sabi ng mga atletang nakausap ko palakad-lakad man subalit nagninilay pinaglilimian ang mga bagay-bagay buti't di nahuhulog sa manhole o kanal palakad-lakad bagamat natitigagal ang makatang palakad-lakad sa kawalan kung matulin pag natinik ay malaliman ika nga ng kasabihan ng matatanda kaya sa paglalakad, huwag matulala salamat, salamat sa inyong mga payo upang lakad ay diretso, di biglang liko - gregoriovbituinjr. 09.10.2025 * mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/19mEmf13aZ/  

Sa ika-3 death monthsary ni misis

Imahe
SA IKA-3 DEATH MONTHSARY NI MISIS hanggang ngayon, puso'y humihikbi ngunit pagsinta'y nananatili pagkawala niya'y anong sidhi tila ako'y nawalan ng sanhi upang mabuhay, subalit hindi di dapat mawalan ng pag-asa balang araw nama'y magkikita sa kalangitan nitong pagsinta ngunit malayo pa, malayo pa abala pa kapiling ng masa mamaya na naman, nasa rali magtatalumpati, laging busy tula sa masa't sa'yo, Liberty ay aking kinakatha parati love you pa rin, mahal kong Liberty - gregoriovbituinjr. 09.11.2025

Coal at korapsyon, wakasan!

Imahe
COAL AT KORAPSYON, WAKASAN! kaylinaw ng sigaw / nitong mamamayan na  "coal at korapsyon, / wakasan! wakasan!" sapagkat pahirap / sa madla, sa bayan taksil na kurakot / ay imbestigahan! buwis pa ng bayan / yaong kinurakot ng trapo't contractor, / ay, katakot-takot ghost flood control project / ang ipinaikot buwis nati'y parang / batong hinahakot DPWH / ay walang ginawa kundi kurakutin / ang yaman ng bansa Departamento ng / Puro Walang Hiya sila pala'y sanhi / ng maraming baha coal pa'y isang sanhi / ng nagbagong klima ang fossil fuel pa'y / lalong nagpabaga one point five degrees ba'y / ating naabot na? ah, coal at korapsyon / dapat wakasan na! - gregoriovbituinjr. 09.10.2025 * bidyong kuha sa rali mula Bonifacio Shrine (tabi ng Manila City Hall) patungong Mendiola, Maynila, Setyembre 9, 2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1QSWxepE8q/  

21 makasalanan / 21 kasalanan

Imahe
21 MAKASALANAN / 21 KASALANAN dalawampu't isang solon yaong pinangalanan sa flood control scam ngayo'y iniimbestigahan manyak na may dalawampu't isang kasong rape naman ay nadakip matapos magtago ng ilang buwan ah, walang forever, kahit may Forever Twenty-One dalawampu't isang kongresman, ayon sa balita ang sangkot sa anomalya ng flood control at sigwa nakinabang habang masa'y dumaranas ng baha buti ang mayamang kontraktor, sila'y itinuga dapat lang managot ang napatunayang maysala - gregoriovbituinjr. 09.09.2025 * ulat mula sa pahayagang Remate, Setyembre 9,2025, tampok na balita (headline) at pahina 2 at 3

DPWH - Departamento ng Puro Walang Hiya

Imahe
DPWH - Departamento ng Puro Walang Hiya napakasakit na nilalamon tayo ng baha dahil sa Departamento ng Puro Walang Hiya ika nga ng mga napanood ko sa balita lalo't kabang bayan ay kinurakot ng kuhila naglitawan ang mga ghost project o guniguni gayong sa dokumento, may proyektong sinasabi ngunit wala, kinurakot ng mga walang silbi sa bayan, kundi sa kapitalista't pansarili kaya sa  Barangay Mambubulgar , naging pulutan ang nangyayaring kabulukan sa mahal na bayan kontratista at kakuntsaba sa pamahalaan kung di pa nagbaha'y di pa maiimbestigahan kaya marapat lang tayong magalit at mainis sa mga ghost flood control project na galing sa buwis ng mamamayan, mga utak ay dapat matugis parusahan at ikulong ang sa bayan nanggahis - gregoriovbituinjr. 09.08.2025 * mga komiks mula sa pahayagang Bulgar, petsang Agosto 28, Setyembre 3, 5, at 7, 2025, at litrato mula sa Primetime Balita    

Banoy

Imahe
BANOY mawawalâ na raw ang Pilipinong banoy sa loob ng limampu o walumpung taon o kaya'y pagitan ng nasabing panahon nakababahala na ang ulat na iyon kung agilang Pinoy na'y tuluyang nawalâ pinabayaan ba ang ispesyi ng bansâ tulad ba ng dinasour nang ito'y nawalâ o tayong tao mismo ang mga maysalà nakahihinayang pag nawala ang limbas sa sariling kultura't pabula ng pantas magiging kwento na lang ba ng nakalipas itong agilang Pinoy sa kwento't palabas tatlong daan siyamnapu't dalawang pares na lang ang naiiwan, panaho'y kaybilis maalagaan pa ba silang walang mintis upang populasyon nila'y di numinipis - gregoriovbituinjr. 09.07.2025 * ulat mulâ sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/p/1GaoFZ1NrR/   The country’s national bird might get extinct in the next 50 to 80 years, an official of the Philippine Eagle Foundation (PEF) said. In an interview with MindaNews Thursday, PEF director for operations Jayson C. Ibañez said that based on their Population ...

Ingat sa daan

Imahe
INGAT SA DAAN naglalakad nang tulala madalas buti't sa disgrasya'y nakaiiwas at alisto pa rin sa nilalandas sa pupuntaha'y di nakalalampas tulala man itong abang makatâ pagkat mahal na asawa'y nawalâ lakad ng lakad, at kathâ ng kathâ buti't sa daan, di nasusungabâ kahit sa diskusyon, tulalâ minsan diwa'y nawawalâ sa talakayan; bilin sa tulalâ: ingat sa daan baka madapâ, agad masugatan buti't ang makata'y di naliligaw sa baku-bako pa'y nakalalaktaw sabit sa dyip, buti't di nakabitaw kundi'y sariling mundo'y magugunaw - gregoriovbituinjr. 09.07.2025

Maligayang ika-79 na kaarawan po, Inay

Imahe
MALIGAYANG IKA-79 NA KAARAWAN PO, INAY pinaaabot ko'y taospusong pagbati  sa ikapitumpu't siyam na kaarawan ng aking inang tunay na kapuri-puri dahil sa patnubay sa aming kanyang anak mabuhay ka, Inay, at kami'y napanuto na talagang ginabayan kami sa buhay na iyong pagmamahal ay di naglalaho upang kami'y mapunta sa magandang lagay maraming salamat po sa pagpapalaki lalo sa aming anim na magkakapatid at mga apo mong maipagmamalaki na pawang karangalan ang inihahatid muli, pagbati'y maligayang kaarawan sa inyo, nawa'y manatili pong malusog ang inyong pangangatawan, puso't isipan at lubos na pagmamahal ang aming handog - gregoriovbituinjr. 09.06.2025    

Tularan si Eurytus, hindi si Aristodemus

Imahe
TULARAN SI EURYTUS, HINDI SI ARISTODEMUS dalawang  Spartan  ang pinauwi ni  Haring Leonidas  ng  Sparta parehong sakit sa mata ang sanhi na baka makasamâ sa opensa tatlong daang mandirigmang  Spartan yaong paroroon sa  Thermopylae dalawa'y kabilang sa tatlong daan subalit pinauwi silang tunay umalis silang dalawa subalit bumalik sa digmaan si  Eurytus napaslang sa digma, nagpakasakit ngunit umuwi si Aristodemus tinawag na duwag, di kinausap ng kapwa Spartan, nakakahiya sa kasaysayan, di naburang ganap ang sinapit, dangal niya'y nawala kaya bilang aktibistang Spartan magandang halimbawa si Eurytus maysakit man tayo'y ating tularan hanggang mamatay, nakibakang lubos - gregoriovbituinjr. 09.05.2025 * litrato mula sa google

Ang nasusulat sa bato

Imahe
ANG NASUSULAT SA BATO "Nothing is written in stone." ? ikako naman, mayroon lapida ba'y anong layon? di ba't batong marmol iyon? isa iyong parikalâ o irony, ang salitâ na winika ng matandâ sa bato nasulat pa ngâ di pa naukit ang gayon marahil noong panahon nina Zeus at Poseidon wala pang sibilisasyon anong kahulugan nire? sa masa'y anong mensahe? wala nga bang permanente? o sa sitwasyon depende? - gregoriovbituinjr. 09.05.2025 * larawan mula sa google

DPWH Contractor, gahaman daw?

Imahe
DPWH CONTRACTOR, GAHAMAN DAW? nagpatama na naman si Kimpoy salita'y walang paligoy-ligoy pag pamilyang gahaman sa pera ano raw ang tawag sa kanila? DPWH Contractor po aba'y kaygalang ng bata, may 'po' batid sa Barangay Mambubulgar ang kalokohan kaya nang-asar ibig sabihin, na kahit bata na danas din marahil ang baha na pondo sa proyektong flood control ay bayan talaga ang binudol kawawang bayan kong walang alam kung di nagbaha'y di malalaman dapat lang imbestigahan ito maysala'y parusahang totoo - gregoriovbituinjr. 09.05.2025 * komiks mula sa pahayagang  Bulgar , Setyembre 2, 2025, p.4

Pribatisasyon ng NAIA, Tutulan

Imahe
PRIBATISASYON NG NAIA, TUTULAN sa NAIA, kayraming bagong fees nagsimula sa surot at ipis isinapribado nang kaybilis naririyan ang parking fees, terminal fees, airport fees. take-off fees, landing fees. lighting fees, utility fees. rental fees, service fees. at marami pang iba't ibang fees pasahero'y magtitiis sa mga nagtaasang fees ay, nakapaghihinagpis kaya maitatanong mo at mapapaisip dito bakit ginawang negosyo ang pampublikong serbisyo panawagan sa kapitalista aba'y dapat n'yo lang itigil na ang pribatisasyon ng NAIA na sa masa'y kaysakit sa bulsa ang panawagan natin sa masa magkapitbisig at magkaisa tutulan, pribatisasyon ng NAIA baguhin ang bulok na sistema - gregoriovbituinjr. 09.04.2025 * salamat sa kumuha ng litrato

Kukukup kop, kukukop

Imahe
KUKUKUP KOP, KUKUKOP sino kayang kukupkop sa tulad nilang dahop yaon bang mananakop na ang ugali'y hayop kukukup kop, kukukop sakaling masalikop ng mga manunupsop tayo ba'y pasasakop kukukup kop, kukukop sabaw ay hinihigop ng makatang masinop sa mangga'y nagtatalop kukukup kop, kukukop kung ako ba'y matutop ng tusong mananakop ito ba'y naaangkop - gregoriovbituinjr. 09.03.2025 * larawan mula sa app na Word Connect

Kung ako'y tumumba

Imahe
KUNG AKO'Y TUMUMBA kung ako'y tumumba sa tama ng bala ang hiling ko sana ako'y mabuhay pa sana'y maabot ko pa'y edad na gusto: ang pitumpu't pito o walumpu't walo kayrami pang tula kwento at pabula ang nais makatha para sa dalita kayrami pang dagli at kwentong maikli ang akda kong mithi kahit puso'y sawi - gregoriovbituinjr. 09.03.2025 * litratong kuha ng makatang gala sa EDSA cor. Quezon Avenue, QC

Minsan, dagat ang pagsusulat ng sanaysay

Imahe
MINSAN, DAGAT ANG PAGSUSULAT NG SANAYSAY minsan, dagat ang pagsusulat ng sanaysay lalo't sa sariling karanasan binatay malalim at mapanglaw pag iyong nanilay basta't pag iyong binasa'y di mauumay ang sanaysay nga ba'y madali lang sulatin? oo, kung sa sarili mong danas nanggaling kung anong nababatid mo'y iyong akdain anong nasa isip mo'y isalaysay lang din tulad ng awit ng ibon sa himpapawid tulad din ng pag-awit ng mga kuliglig isulat mo lamang ang iyong nababatid sa tanghaling tapat man o gabing malamig malupit ay tanggalan ng sungay at buntot pati trapong sa flood control ay nangurakot pati oligarkiyang pawang mapag-imbot na sa pakikipagkapwa man ay maramot ay, sangkatutak ang paksang maisusulat kahit isulat mo'y samutsaring alamat kathain mo rin anumang maisusumbat sa mga trapong sa bayan ay nagkakalat - gregoriovbituinjr. 09.03.2025 * litrato mula sa app na Word Connect

Sabaw at talbos ng kamote

Imahe
SABAW AT TALBOS NG KAMOTE sabaw at talbos ng kamote ang hapunan ko ngayong gabi sa puso raw ito'y mabuti sa kanser ay panlaban pati nakakatulong sa digestion at naglalaman din ng iron na mabuti raw sa produksyon ng red blood cells ang mga iyon kaysarap din ng sabaw nito lalagukin ang isang baso napapalusog pati buto ramdam kong ito'y epektibo nakagagaan sa paggalaw bukod sa masarap na sabaw talbos pa nito'y isasawsaw sa bagoong, di ka aayaw di ako nagkanin, ito lang at nakabubusog din naman pampalakas na ng katawan pampalusog pa ng isipan - gregoriovbituinjr. 09.02.2025

Umamin daw ang aso?

Imahe
UMAMIN DAW ANG ASO? ang aso ay magaling na bantay tatahol pag may iba sa bahay ang aso'y mahusay ring alalay pag tumahol, di ka mapalagay bakit ba umaming siya'y aso ng isang batikang pulitiko sakaling mangagat naman ito baka magkarabis kang totoo kaya sa aso'y laging mag-ingat at iwasan ang kanilang kagat aso mang umamin at nanumbat baka galis pa'y kanyang ikalat ingat sa aso, ingat sa rabis baka kagat nito'y di matiis garapata pa'y dapat matiris pag tumahol, agad kang umalis - gregoriovbituinjr. 09.02.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 2, 2025, p.1 at p.5

Ang Setyembre Dos sa kasaysayan

Imahe
ANG SETYEMBRE DOS SA KASAYSAYAN ang Setyembre Dos sa kasaysayan: pormal na ang pagsuko ng Japan at ang Ikalawang Daigdigang Digmaa'y tuluyang nawakasan namatay ang bayani ng Byetnam at unang pangulong si Ho Chi Minh nakaligtas sa nasunog na jet ang naging presidente ng U.S. may isang daang O.F.W.  ang napauwi galing Kuwait na tumakas sa kanilang amo na kondisyon sa trabaho'y pangit kayrami nang namatay sa dengue anang ulat ng Department of Health ulat na ito'y sadyang kaytindi sa namatayan ay anong kaysakit limang daan ang sa Iloilo tatlong daang katao sa Bicol at pitumpu naman mula sa Cebu ay, nakamamatay iyang lamok nadagdag pa sa mga balita C.D. bidyo't Jose Pidal acoount at may pahabol pang kasabihan: huwag bukas kung kaya na ngayon - gregoriovbituinjr. 09.02.2025 * mga datos mula sa pahayagang Pang-Masa, p.4

Sa muling pagninilay

Imahe
SA MULING PAGNINILAY mabuti nang tumumba't mamatay kaysa wala nang silbi sa buhay sa isip ko'y gumugulong tunay itong gulong na plat niring buhay narito't naglilingkod ng sadya sa uring manggagawa at dukha sa kabila ng hibik at luha nang aking asawa ay mawala paano babayaran ang utang na milyon-milyon ay di ko alam sakit sa ulong di napaparam ang sarili ko na'y inuuyam pagpapatiwakal ba ang sagot? kung katiwasa'y di maabot? paano lulusutan ang gusot? ang kalutasan sana'y masambot - gregoriovbituinjr. 09.02.2025

Lipunang malaya't matinô

Imahe
LIPUNANG MALAYA'T MATINÔ pangarap ko'y malaya't matinong lipunan umiiral ay patas at makatarungan na walang api't pinagsasamantalahan ng dinastiya, oligarkiya't gahaman pangarap ko'y lipunang matino't malayà kung saan walang trapo't burgesyang kuhilà sa anumang pakikibaka'y laging handâ kumikilos kasama ng obrero't dukhâ pangarap ko'y lipunang malaya't matinô na lahat ng lahi't bansa'y nagkakasundô umiiral ay di pagkaganid sa gintô kundi pakikipagkapwa sa buong mundô lipunang matino't malaya ang pangarap na makamit na bawat isa'y lumilingap sa kanyang kapwa, kaya tayo na'y magsikap na abutin ang kaytayog mang alapaap - gregoriovbituinjr. 09.02.2025

Nais ko'y ukit na maso sa lapida

Imahe
NAIS KO'Y UKIT NA MASO SA LAPIDA sakaling mamatay / ang makatang kapos ayoko ng daop / na palad o kurus kundi yaong masong / gamit ng busabos nang sistemang bulok / ay buwaging lubos hindi natin batid / kailan babagsak ang katawang lupa / sa putik o lusak sakaling ibaon / saanpamang lambak sa lapida'y nais / na ito'y itatak: "narito'y makatâ / ng obrero't dukhâ tagapagtaguyod / ng sariling wikà tibak na Ispartan / sa puso at diwà sistema'y palitan / ang inaadhikà panay ang pagtulâ / kahit makulimlim sa masa'y nagsilbi / ng tapat at lalim sa dumaan dito't / sumilong sa lilim nagpapasalamat / siya ng taimtim" - gregoriovbituinjr. 09.01.2025 * larawan ay dinisenyo ng makatang galâ

Sina Alyssa Valdez at Alex Eala

Imahe
SINA ALYSSA VALDEZ AT ALEX EALA sina  Alyssa Valdez  at  Alex Eala dalawang batikan, atletang Pilipina tennis si  Alex  at volleyball si  Alyssa sila'y tunay na kahanga-hangang atleta minsan, sa bidyo lang sila napapanood reel, pesbuk, YouTube, doon ako nakatanghod sila'y tatalon, hahampas, mapapaluhod pawang matatatag, matitibay ang tuhod sa isports, kaylaki ng ambag nilang tunay ipinakita nila ang talino't husay masasabi ko'y Mabuhay sila!  MABUHAY! ang paabot ko'y taospusong pagpupugay! ngalan nila sa kasaysayan na'y naukit mga atletang nasa pagitan man ng net ay makikitang may ngiti, di nagsusungit mababait, ngunit sa arena'y kaylupit - gregoriovbituinjr. 09.01.2025 * litrato mula sa ABS-CBN News fb page