Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Mayo, 2025

Libangan sa ospital

Imahe
LIBANGAN SA OSPITAL buti't nakabili ng  Fill In  na palaisipan nang minsan sa  BookSale  ako roon ay mapadaan kaya habang bantay sa asawa sa pagamutan  ay may sinasagutan ako't napaglilibangan talas-isip at paggamit ng lohika ang layon piliin ang salitang lalapat sa titikahon sa pahalang man o pababa ay sumakto iyon huwag magkamali lalo't bolpen ang gamit doon agad iyong bibitawan pag tumawag si misis matitiis ang  Fill In , si misis di matitiis tatalima na agad sa anumang kanyang nais pag may sumakit, sa pagresponde'y dapat mabilis minsan, ganyan ang buhay ng makatâ sa ospital na itong  Fill In  ang hapunan, meryenda't almusal mahalaga, sa asawa'y bantay, di matigagal at paggaling ni misis ang madalas inuusal - gregoriovbituinjr. 05.30.2025

Pahimakas kay Ka Freddie Aguilar

Imahe
PAHIMAKAS KAY KA FREDDIE AGUILAR bata pa lang ako nang marinig ko't mapanood na nanalo sa internasyunal ang kanyang  ANAK sa Student Canteen yata iyon nang mapakinggan nang premyadong pyesa'y inawit ni Freddie Aguilar nineteen eighty eight noong ako'y magtungo sa Japan bilang iskolar, on-the-job training, anim na buwan pinadalhan ako ng cassette tape ng aking ama ng mga kanta ng Boyfriends at ni  Freddie Aguilar nang pinatugtog ko sa pabrikang pinaglingkuran ay gustong-gusto ng mga Hapon na manggagawa ang melodiya o himig ng  ANAK  na narinig at proud ako bilang Pinoy doon, nakakikilig nang maglaon, nadagdagan ang liriko ng  Anak inspirasyon itong sa aking pagkatha'y nagtulak kaya ako'y kanyang tagapakinig na masugid bukod sa Anak, kayrami niyang kaygandang awit dapat gawaran ng  National Artist  si  Ka Freddie ngunit noong nabubuhay pa'y di iyon nangyari sa puso ng marami, siya na'y national artist mga awit niya'y maipagmamalaking labis paalam,...

Elepante pala'y gadyâ

Imahe
ELEPANTE PALA'Y GADYÁ elepante'y naroon sa kalapitbansa  at nasa zoo lang sila pag nasa Maynila subalit may katumbas sa sariling wika ang elepante na tinatawag na  gadyâ naalala ko tuloy ang isang pabula may ilang bulag na nakarinig sa  gadyâ nais nilang mabatid ano itong sadya kaya nasabing  gadya' y kanilang kinapa nahipo ng isa'y buntot, lubid daw ito sa kumapa sa tenga, ito'y abaniko sa nakahawak sa pangil, sibat umano sa humaplos sa tagiliran, pader ito nagbalitaktakan sila kung sinong wasto na pananaw ay magkakaibang totoo nilarawan ay pinaniwalaang todo parehong bagay ngunit magkaibang kwento - gregoriovbituinjr. 05.28.2025 * larawan mula sa AlpabeTUKLAS ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Katáw

Imahe
KATÁW sa mga kwento'y mayroong  katáw na sa mitolohiya'y nahalaw na kahulugan pala'y sirena subalit di wangwang sa kalsada babae ang bahaging itaas na marahil kayganda't kaylakas bahaging ibaba nama'y buntot ng isda na animo'y kaylambot katáw  na isang bagong salitâ sa akin, magagamit sa tulâ, pabulâ, sanaysay, dagli, kwento isama sa pagkatha sa mundo mula wikang  Sebwano't Aklanon na mabuti ring magamit ngayon salamat sa  Salit-Salitaan sa bigay na dagdag-kaalaman - gregoriovbituinjr. 05.28.2025 * larawan mula sa kwfdiksiyonaryo.ph ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Reclining commode wheelchair

Imahe
RECLINING COMMODE WHEELCHAIR kahapon, nakabili na ako sa Bambang ng reclining commode wheelchair na kailangan nang magamit ng misis kong may karamdaman mula ospital hanggang umuwing tahanan wheelchair yaong ang upuan nito'y may butas kung saan doon siya makakapagbawas at doon ay tutulungan siyang maghugas o marahil sa katawan ay pagpupunas di pa niya magalaw ang kanang bahagi mula balikat, kamay, paa, hita, binti kaya sa pagamutan pa'y nananatili baka matagalan pa kaming makauwi mula kama, bubuhatin siyang tumayo upang sa commode wheelchair siya'y makaupo katawan ay dapat maehersisyong buo upang sa kanan ay mapadaloy ang dugo naka-wheelchair siyang sa pasilyo babaybay imbes na laging sa higaan nakaratay nasa wheelchair siya't ako'y nakaalalay sa paggaling niya'y aalagaang tunay - gregoriovbituinjr. 05.27.2025

Ani Bianca, patibayin pa ang sariling wika

Imahe
ANI BIANCA, PATIBAYIN PA ANG SARILING WIKA si Bianca Gonzales nga'y may panawagan ngayon na sariling wika'y patibayi't gamiting higit nangamote raw kasi sila sa Tagalog ng EAST sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition patibayin daw ang pagtuturo sa kabataan ng wikang Filipino, at pahalagahan ito sa mga paaralan, sa bahay, saanman tayo upang di mangamote sa pagsalin ng Silangan kaylungkot daw na unifying language nati'y English imbes wikang Filipino, na batay sa Tagalog tingin yata'y wikang bakya itong pumaimbulog may pagtingin pang matalino basta nagi-Ingles sa iyong pagpuna, Bianca, maraming salamat upang pahalagahan natin ang wikang sarili sana'y pakinggan ng gobyerno ang iyong sinabi upang edukasyon sa ating bansa'y mapaunlad - gregoriovbituinjr. 05.25.2025 * mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 25, 2025, pahina 1 at 5

Natanggal na ang NGT

Imahe
NATANGGAL NA ANG NGT kaylaking ginhawa ang matanggal ang tubong nakakabit sa ilong pagkat siya na'y nakalulunok ng pagkaing sa kanya'y ibigay sa NGT na pinadadaan ang pagkain patungo sa tiyan na pawang likido o malabnaw na one thousand eight hundred calorie higit sambuwan din kinabitan ng NGT o nasogastric tube si misis nang siya'y mapakain ng may sapat na calorie intake tila ako ang nahihirapan noong naka-NGT pa siya talagang hirap niyang titigan para bang ako ang nasasaktan buti't tinanggal na ang NGT pagkat lagay niya'y bumubuti kaysarap naman sa pakiramdam na sinta ko'y di na mahirapan - gregoriovbituinjr. 05.22.2025

Ang panaginip ni misis

Imahe
ANG PANAGINIP NI MISIS si misis ay nanaginip minsan na ikinwento niya sa akin siya raw ay akin nang iniwan sabi ko'y huwag iyong isipin sapagkat walang katotohanan wala man ako sa toreng garing ako'y makatang may katapatan lalagi ako sa kanyang piling at iyon ay hanggang kamatayan hindi pa dahil sa sasabihin sa akin ng mga kasamahan, kamag-anak, o kumpare man din na ako'y walang paninindigan isang salawahan at balimbing at sabi ko, "ako'y tapat naman pagkat ikaw ay tangi sa akin" "ikaw ay aking aalagaan hanggang sa tuluyan kang gumaling kayrami nating pinagdaanan wala tayong iwanan, O, darling!" - gregoriovbituinjr. 05.22.2025 * litratong kuha ng makatang gala bago pa magkasakit si misis

Bata, namatay sa tuli

Imahe
BATA, NAMATAY SA TULI kaytindi ng balitang nabasa: "Edad sampu, nagpatuli, patay" ano? bakit? anong nangyari ba? sa lying-in agad daw nangisay matapos na matuli ng doktor na nagturok pa ng anestisya subalit matapos ang procedure ang nasabing bata'y nangisay na siya'y nadala pa sa ospital at doon binawian ng buhay kung ako'y ama, matitigagal tinuli lang, anak na'y namatay aksidente ba? ito ba'y sadya? kay-aga namang bata'y nawala habang sa katabi nitong ulat magkapatid sa sunog namatay sa dibdib ito'y sadyang kaybigat magulang tiyak tigib ng lumbay - gregoriovbituinjr. 05.22.2025 * mula sa pahayagang Bulgar, Mayo 21, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Tulad ng dati, 49 na araw na sa ospital

TULAD NG DATI, 49 NA ARAW NA SA OSPITAL sa nagdaang taon, apatnapu't siyam na araw kami sa ospital, panahong kami'y makalabas subalit ngayon, pang-apatnapu't siyam na araw na namin sa ospital, ngunit di pa makalabas sapagkat patuloy pa ang gamutan, patuloy pa higit isang buwan nang sa ospital nakatira di naman ako doktor o nars, bantay lang talaga kay misis, tila amoy ko na'y amoy medisina patagal nang patagal ay pamahal ng pamahal ang dapat bayaran sa pinagkanlungang ospital mag-isip pa lang kung saan kukuha ng pambayad ay nakatitigagal, ako pa kaya'y tumagal apatnapu't siyam na araw pag iyong nanilay ay makabagbag damdaming danas, di mapalagay binago na ng kanyang karamdaman yaring buhay na dapat ay sa bayan, ngayon ay sa utang, alay - gregoriovbituinjr. 05.21.2025 * mula Oktubre 23 hanggang Disyembre 10, 2024 ay nanatili kami sa ospital dahil sa naunang sakit ni misis, at mula Abril 3 hanggang Mayo 21, 2025 ay narito sa ospital nang ma-istrok si misis  

Tula't paliwanag sa forum ng maralita

TULA'T PALIWANAG SA FORUM NG MARALITA sadyang kaybigat ng tema,  “Nothing for Us, Without Us” sa sistemang bulok ba dukha pa’y makaaalpas sa lipunang mapagsamantala at di parehas laksa’y mahihirap, mayamang iilan, di patas kahit sa isyung pabahay ng mga maralita 4PH ay para sa may pay slip, di sa wala para lang sa may Pag-ibig, wala niyan ang dukha mungkahi’y public housing ang ipatupad na sadya dapat pabahay, serbisyong panlipunan, trabaho ay magkasamang pag-usapan ng masa't gobyerno pabahay ay hindi dapat batay sa market value kundi sa capacity to pay ng dukha't obrero subalit habang kapitalismo pa ang sistema dukha'y lugmok ngunit huwag mawalan ng pag-asa nararapat lamang ang maralita'y magkaisa at wakasan ang pang-aapi't pagsasamantala halina't katotohanang ito'y ipalaganap baguhin na ang sistema nang malutas ang hirap magagawa kung patuloy tayong magsusumikap lipunan nati’y itayo nang ginhawa’y malasap - gregoriovbituinjr. 05.21.2025 * matapos ang p...

Infusion complete

Imahe
INFUSION COMPLETE sa pandinig ko'y tila musika na ang infusion complete pag naririnig sa ospital, tanghali man, umaga o madaling araw, o takipsilim ibig sabihin, paubos ang dextrose na dapat iyong palitan ng lubos infusion complete ay biglang tutunog kahit kami'y mahimbing sa pagtulog di ka na maiinis pag ganito gagawin mo lang, dapat kang alerto kaya itatawag mo iyon sa nars upang dextrose ay agad mapalitan di mahalaga rito ang mainis ang mahalaga'y gumaling si misis mula sa istrok at abcess sa tiyan sana'y gumaling na siyang tuluyan - gregoriovbituinjr. 05.17.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/share/v/1AfxVNvCAH/  

Pag-utot

PAG-UTOT "nakautot ka na ba?"  laging tanong ng mga doktor, pati nars kay misis na naka-NGT o nakapasak ang tubo sa ilong upang kumain pag nakautot daw pala'y maganda sa kalusugan dahil may nilabas na hangin sa tiyan lalo't naistrok at may blood clot sa bituka si misis bagamat walang kinaing natural tanda ang pag-utot sa tinitingnan upang guminhawa ang pakiramdam at gumaganda na ang kalusugan na tanda ng paggalaw ng bituka may nilalabas na toxic o sobrang hangin sa tiyan o kaya'y bakterya salamat sa ibinahagi nila - gregoriovbituinjr. 05.17.2025 * sinulat habang nagbabantay kay misis sa ospital * NGT - nasogastric tube, o yaong ipinapasok na tubo sa ilong pababa sa lalamunan at esophagus, hanggang sa  loob ng tiyan sa pagbibigay ng pagkaing may nutrisyon

Pagsakit ng kanang balikat

kahapon, sumakit ang kanyang kanang balikat na di na niya maigalaw dahil sa istrok na tila na-dislocate, o kaya'y napilayan payo ng doktor kagabi, ipa-xray agad sana'y hindi iyon panibagong karamdaman bagamat matagalan pa raw yaong gamutan sana'y makalabas na rin kami sa ospital na higit isang buwan na rin, gayon katagal ibig ding sabihin, iyon na'y nakararamdam may pakiramdam na ang kanang naapektuhan kung tutuusin, magandang senyales na iyan upang aking asawa'y gumaling nang tuluyan naka-iskedyul na ang xray ngayong umaga kaya maaga akong gumising, naghanda na hinihintay lang kung sinong susundo sa kanya at sana'y maging maganda naman ang resulta - gregoriovbituinjr. 05.16.2025

Tumanog

Imahe
TUMANOG nagisnan muli'y bagong salita sa palaisipang inihandog nabatid nang sinagutang sadya iyang duwende pala'y tumanog duwende'y tila wikang Kastila at tumanog ay wikang Tagalog sadyang mayaman ang ating wika pag kinain ay nakabubusog sa krosword maraming natatampok na katagang animo'y kaylalim na dapat namang ating maarok at tila rosas na sinisimsim sariling wika'y ating gamitin sa mga kwento, tula't sanaysay katha ng katha ng katha pa rin hanggang mga akda'y mapaghusay - gregoriovbituinjr. 05.12.2025 * palaisipan mula pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 12, 2025, p. 11

Gulunggulungan pala'y Adam's apple

Imahe
GULUNGGULUNGAN PALA'Y ADAM'S APPLE batid natin kung ano ang alak-alakan o likod ng tuhod, nababaluktot naman batid din natin pati ang kasukasuan o sugpungan ng mga butong nag-ugnayan sa Dalawa Pababa ng palaisipan ang katanungan doon ay  gulunggulungan bago sa pandinig ko, ano kaya iyan? at ang lumabas na sagot ay  lalamunan sinaliksik ko anong tamang kahulugan at  Adam's apple  pala ito kung ituran salamat sa lumikha ng palaisipan may sarili pala tayong salita riyan salamat sa bagong dagdag na kaalaman na atin ding magagamit sa panitikan sa pagkatha ng sanaysay, kwento't tula man lalo sa nobelang aking nais simulan - gregoriovbituinjr. 05.11.2025 * palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 11, 2025, p. 14

Tahimik na pangangampanya sa ospital

Imahe
TAHIMIK NA PANGANGAMPANYA SA OSPITAL naisuot ko lang itong t-shirt kagabi na bigay sa akin sa Miting de Avance nina  Ka Luke Espiritu  at  Ka Leody de Guzman  na Senador ng nakararami ngayon na ang huling araw ng kampanyahan at tahimik akong nangangampanya naman bagamat bantay kay misis sa pagamutan  habang siya'y nasa banig ng karamdaman dapat magwagi ang dalawang kandidato  upang may kasangga ang dalita't obrero  bagong pulitika na ito, O Bayan ko lilong dinastiya't trapo'y dapat matalo sa pasilyo ng ospital naglakad-lakad  sa kantina o parmasya ay nakaladlad itong t-shirt, sa billing man ay magbabayad sa physical therapy mang pawang banayad dahil huling araw na, dapat may magawa makumbinsi ang kapamilya, ang kadukha kapuso, kumpare, sa layuning dakila ipanalo ang kandidato ng paggawa - gregoriovbituinjr. 05.10.2025

Tatlumpung segundong katahimikan, ani Ka Leody

Imahe
TATLUMPUNG SEGUNDONG KATAHIMIKAN, ANI KA LEODY tatlumpung segundo ang hiningi ni Ka Leody kaunting katahimikan sa Miting de Avance upang alalahanin ang pagpaslang sa Supremo dahil kinabukasan ang anibersaryo nito salamat, Ka Leody, sa iyong sinabing iyan paggunita sa kinakalimutang kasaysayan na sa tatlumpung segundo'y nakiisa ang madla pati na nagsidalong manggagawa't maralita kaarawan ng Supremo tuwing  Nobyembre Trenta ay sasabayan natin ng pagkilos sa kalsada ngunit araw ng pagpaslang, bihirang gunitain kagabi lang, buti't nasabi ni Ka Leody rin maraming salamat sa paalala niyang iyon sobra na ang kataksilan, lalo't mag-eeleksyon burgesyang nagpapatay sa Supremo'y nararapat mawala pati dinastiya'y mangatalo lahat - gregoriovbituinjr. 05.10.2025 * naganap ang Miting de Avance nina #21 Ka Leody de Guzman at #25 Luke Espiritu para Senador sa Liwasang Bonifacio, Maynila, Mayo 9, 2025, kasabay ng ika-150 kaarawan ni Gregoria "Oriang" de Jesus, asawa ng ...

Sariling magulang, kinatay ng anak

Imahe
SARILING MAGULANG, KINATAY NG ANAK dalawang magkaibang balita na sadya namang nakabibigla: nanay, anak pa yaong sumaksak mag-asawa, pinatay ng anak anak na walang utang na loob sa isip anong nakakubakob mental health problem ba'y masisisi kung bakit ang ganito'y nangyari mga suspek kaya'y nakadroga kaya magulang ay biniktima sa Saranggani't Albay naganap ang mga pangyayaring kaysaklap anang ulat, isa'y may depresyon nang iniwan ng asawa iyon ang isa'y posibleng naingayan nang magising, ina'y tinarakan para bang batas ay inutil paanong ganito'y mapipigil baka di sapat ang  Mental Health Act lalo't nangyari'y nakasisindak - gregoriovbituinjr. 05.10.2025 * ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 8, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2 * Republic Act No. 11036 - An Act Establishing a National Mental Health Policy for the Purpose of Enhancing the Delivery of Integrated Mental Health Services, na mas kilala ring Mental Health Act of 2018

Sa ika-128 anibersaryo ng pagpaslang sa Supremo

Imahe
SA IKA-128 ANIBERSARYO NG PAGPASLANG SA SUPREMO pag-alala sa kamatayan ng  Supremo at ating bayaning  Gat Andres Bonifacio kasama ng kapatid niyang si Procopio pinaslang sila ng pangkating Aguinaldo kaya inaral ko ang ating kasaysayan na sa wari ko'y pilit kinakaligtaan bakit kapwa Katipunero ang dahilan ng pagpaslang sa  Supremo ng Katipunan Mayo a-Nwebe, kaarawan ng maybahay na si  Oriang , Mayo a-Dyes, siya'y pinatay ng mga taksil sa ating bayan, niluray pati kanyang pagkatao, nakalulumbay marahil si  Oriang  siya na'y hinahanap sa kaarawan nitong dapat ay kalingap kinabukasan pala'y napatay nang ganap hanggang huli'y di man lang sila nagkausap taaskamaong pagpupugay kay  Gat Andres sa adhikain nila't pakikipagtagis upang lumaya ang bayan, di na magtiis sa lilong burgesya't dayong mapagmalabis - gregoriovbituinjr. 05.10.2025

Kay-agang nawala ni Maliya Masongsong, 4

Imahe
KAY-AGANG NAWALA NI MALIYA MASONGSONG, 4 kay-aga mong nawala, doon pa sa NAIA dahil sa isang di inaasahang disgrasya amang paalis ay hinatid lang ng pamilya ngunit nabangga kayo ng isang sasakyan pa "Anak ko iyan! Anak ko 'yung nasa ilalim!" sigaw ng ama, si Maliya'y napailalim sa itim na Ford Everest, sadyang anong lagim na sa puso'y nakasusugat ng anong lalim sadyang nakaiiyak ang ganitong nangyari di mo mawaring magaganap ang aksidente si Maliya ay tiyak may pangarap paglaki ngunit wala nang lahat iyon, aking namuni ang tsuper ay hawak na ng kapulisan ngayon subalit sa pagninilay, kayrami kong tanong: paano ba maiiwasan ang nangyaring iyon? anong sistemang marapat? anong tamang aksyon? nang di na mangyari ang maagang pagkawala ng buhay, tulad ni Maliya, nakaluluha kung anak ko siya, ang dibdib ko'y magigiba sa ganyan, kalooban ninuman ay di handa - gregoriovbituinjr. 05.09.2025 * ulat mula sa pahayagang Tempo, Mayo 6, 2025, tampok na balita (headline) at pa...

Garapalan sa halalan

Imahe
GARAPALAN SA HALALAN dalawang komiks istrip mula sa pahayagang kilala ng masa na naglalarawan sa halalan at sa kandidato't dinastiya sa kampanyahang garapalan na pawang magaling mag-analisa yaong sumulat at dibuhista hinggil sa parating na eleksyon di raw boboto sa magnanakaw kundi sa nagbigay ng ayuda pawang mga patama talaga sa pulitiko't sa pulitika kaya dapat nang may pagbabago upang magkaroon ng hustisya ang masa't mabago ang sistema - gregoriovbituinjr. 05.09.2025 * komiks na may petsang  Mayo 8, 2025  mula sa pahayagang Remate, p.3, at Bulgar, p,5

Saplad at lantod

Imahe
SAPLAD AT LANTOD sa diksyunaryong Ingles-Tagalog nakita na ang salin nitong dam ay prinsa o saplad nakasalubong muli sa palaisipan kaya agad nasagutan ang hinahanap lantod naman ay narinig ko sa probinsya ni ama, na singkahulugan pala'y landi kaya sa palaisipan ay madali na nasagot na nang walang pag-aatubili mga payak na salita ito kahapon na nahalukay muli sa matandang balon ng kaalaman, magagamit muli ngayon sa mga tula, kwento, sanaysay at layon pawang salitang di mo sukat akalain na bigla na lang lilitaw sa harap natin patunay na walang luma kung gagamitin tulad ng makatang ang tula'y tulay man din - gregoriovbituinjr. 05.09.2025 * krosword mula sa pahayagang Bulgar, Mayo 8, 2025, p.9

Kampanyador nagbabantay man sa ospital

Imahe
KAMPANYADOR NAGBABANTAY MAN SA OSPITAL bagamat nasa ospital at tensyonado si misis ay nasa banig ng karamdaman ay ginagawa pa rin ang mga layon ko upang ipagwaging tunay ang kinatawan ng mga manggagawa't dukha sa Senado ipanalo sina  Ka Leody de Guzman at  Luke Espiritu , mga lider-obrero na pawang kasangga ng taong karaniwan kaya kapag may pagkakataong lumabas ang ilang polyeto'y ipinamamahagi at ipinakikilala ang bagong landas manggagawa naman sa Senado'y magwagi mga simpleng kataga: sila'y ipanalo! upang sa Senado'y may tinig ang paggawâ Ka Leody de Guzman  at  Luke Espiritu tiyak na may magagawa sa ating bansa! - gregoriovbituinjr. 05.08.2025 * litratong kuha ng makatang gala sa isang lugar na nadaanan

Swallowing training

SWALLOWING TRAINING sapagkat di pa kayang lumunok ng kinakain may NGT o tubo sa ilong upang kumain may therapist na sinasagawa'y swallowing training ano't paano makakain at lumunok man din kinakailanga'y one thousand eight hundred calorie kaya may tubo pa muna sa ilong o NGT may physical therapy, occupational therapy upang naparalisang bahagi ay mapabuti kayhirap pagmasdan subalit kinakaya ko lang sa malao't madali'y makararaos din naman ang aking misis mula sa banig ng karamdaman habang sa swallowing training siya'y tinutulungan naparalisang bahagi'y hawakan ng banayad baka mapilay o tila kristal na mababasag ang tuluyan niyang paggaling ang tangi kong hangad sa anumang tulong at ambag, maraming salamat - gregoriovbituinjr. 05.04.2025 * NGT - nasogastric tube

Isang buwan na ngayon sa ospital

Imahe
ISANG BUWAN NA NGAYON SA OSPITAL Abril a-Tres noong isinugod si misis sa ospital sapagkat di na maigalaw ang kanang kamay, braso, hita, binti, paa na-istrok na pala, sabi ng mga doktor aba'y ang petsa na ngayon ay Mayo a-Tres isang buwan na pala kami sa ospital hanggang ngayon, may kaba, pagdurusa'y ramdam lito, naghahanap, nagugulumihanan isang buwan din pala akong nakatira sa ospital dahil nagbabantay sa kanya ang asam ko'y tuluyan nang gumaling siya habang naghahanap ng pambayad, ng pera isang buwang singkad sa ospital na ito matagal na gamutan pa raw na totoo gagaling ka, lagi kong sabi sa misis ko gagaling ka, nawa'y magdilang anghel ako - gregoriovbituinjr. 05.03.2025

Ilang araw nang di makatula

Imahe
ILANG ARAW NANG DI MAKATULA ilang araw na rin pala akong di nakatula planong bawat araw isang tula'y di na nagawa ano kayang sanhi bakit di agad makakatha? tensyonado't nasa ospital pa? natutulala? gayong sa paligid ay kayrami ng isyu't paksa nagtatampo ba sa akin ang musa ng panitik? di na ba niya madama ang sa puso ko'y hibik? dahil sa nangyari kay misis ay di makaimik? dahil pag-usad ng pluma'y wala nang pagkasabik? nangangayayat na't katawan ba'y tila titirik? o dahil araw-araw ay pagod sa paglalakad upang Guarantee Letter ay matanggap niring palad upang maghanap ng perang sa ospital pambayad laging pagod, mabilisang kilos, bawal makupad ang nangyayari'y sa tula na lang nailalahad - gregoriovbituinjr. 05.03.2025