Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Disyembre, 2024

Mga korte ng limang piso

Imahe
MGA KORTE NG LIMANG PISO dumudukot ako ng baryang pamasahe at tatlong limang piso'y nakuha ko rine na agad napansin kong iba-ibang korte tatlong magkaiba ang limang pisong iyon dalawa'y bilog, magkaibang kulay niyon habang isa'y siyam ang gilid o nonagon may pambili na ako ng saging na saba pag pinambayad ko sa dyip ang tatlong barya aba, ako'y may dalawang pisong sukli pa iba-iba mang korte'y mahalagang sadya sa komersyo't palitang-kalakal ng madla pambili ninuman kahit pa ika'y dukha nasa bagong limang piso ba'y kilala mo? ang bayaning nakaukit sa limang piso ay ang magiting na Gat Andres Bonifacio - gregoriovbituinjr. 12.15.2024

Okra dyus

Imahe
OKRA DYUS naglaga ako ng okra bente pesos ang halaga dalawang tali lang naman na sampung okra ang laman sabi'y tunggain ko lang daw ang pinaglagaang sabaw inumin iyong parang dyus nang lumusog akong lubos inilagay ko sa baso sa sang-iglap tinungga ko anong bilis kong nilunok sinaid sa isang lagok naisip kong tamang landas katawan ay mapalakas okra naman ay inulam ko kaninang mag-agahan - gregoriovbituinjr. 12.15.2024

Huli nga ba sa balita?

Imahe
HULI NGA BA SA BALITA? magkaibang petsa ngunit isang balita sa magkaibang pahayagan nalathala masasabi bang isa'y huli sa balita? o inulit lang ang ulat na nalathala? sa pahayagang Bulgar, Disyembre a-trese sa dyaryong Sagad naman, Disyembre katorse hinggil sa aksidente sa Boy Scout Jamboree headline iyon sa dalawang dyaryong nasabi pinaksa'y Boy Scouts na nakuryente't namatay tent ay sumabit sa live wire na nakalaylay mga balitang gayon ay nakalulumbay na disgrasya'y dumatal sa kanilang tunay kung balita'y pakasusuriin mong sukat kulang sa detalye ang unang naiulat mga biktima'y walang pangalang nasulat sa ikalawa, may detalyeng makakatkat ulat sa Sagad ay di pa huling totoo kung inulat ay madetalye't sigurado kung baga, inapdeyt at follow-up sa kaso na maaari ring serye kung titingnan mo - gregoriovbituinjr. 12.14.2024 * ulat mula sa pahayagang Sagad, Disyembre 14, 2024, p.1 at 2; ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 13, 2024, p.1 at 2

Tsaang oregano

Imahe
TSAANG OREGANO  lumago na ang tanim ni misis na oregano kung saan dahon naman niyon ay pinipitas ko upang sa takure ay pakuluan ngang totoo at kapag maligamgam na'y saka ko iinumin na parang tsaa, pampalusog sa katawan man din ah, kalusugan, aba'y dapat ka naming isipin tsaa itong maraming benepisyo sa katawan buti't naisipan ni misis na itanim iyan siyang tunay, kaylalago na nila sa bakuran sa mga saliksik, pang-alis ng toxic substances, panlaban daw sa implamasyon, hika, diabetes, pagbuburis, bakterya, cancer at iba pang istres kaya tsaang oregano ay dagdag sa arsenal ng kalusugan matapos lumabas ng ospital pandagdag lakas, upang di rin agad hinihingal kaya ngayon, sa tsaang ito ako  na'y masugid na tagapagtaguyod lalo't may tanim sa gilid tara nang magtsaang oregano, mga kapatid - gregoriovbituinjr. 12.14.2024 * buris - nagtutubig na tae *  https://www.medicalnewstoday.com/articles/266259#_noHeaderPrefixedContent   *  https://www.healthline.com/health/oregano...

Tatlong Boy Scouts, nakuryente, patay

Imahe
TATLONG BOY SCOUTS, NAKURYENTE, PATAY ang sinapit ng tatlong Boy Scouts ay kaytindi nang sila'y mamatay dahil daw nakuryente anang ulat, nangyari sa Zamboanga City sa nagaganap doong Citywide Jamboree labinlimang Boy Scouts ang nilipat umano ang tent nila nang metal na bahagi nito ay sumabit sa live wire, disgrasyang totoo na ikinamatay ng nabanggit na tatlo dumaloy sa katawan ng mga biktima ang lakas ng boltahe, kaybata pa nila upang madisgrasya sa nasabing sakuna Jamboree'y kinansela dahil sa trahedya pangyayaring ito'y sadyang nakalulungkot? sa trahedyang naganap ba'y may mananagot? panahon lang ba ang dito'y makagagamot? upang trahedyang ito'y tuluyang malimot? di ba't tinuturo sa Boy Scouts ang survival? at dapat ay handa sa anumang daratal? pakikiramay ang tangi kong mauusal sa kanilang pamilya't mga nagmamahal - gregoriovbituinjr. 12.13.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 13, 2024, headline at pahina 2

Pagdatal sa tahanan

Imahe
PAGDATAL SA TAHANAN pang-apatnapu't siyam na araw, higit sambuwan mula sa ospital, umuwi kami ng tahanan alas-onse y medya kagabi kami dumating upang si misis sa kanyang sakit ay magpagaling pagdating, sinalubong agad kami ni alaga tila batid niyang parating kami't tuwang tuwa salamat kay alagang pusa at walang mabait na sa aming tahanan ay naninira ng gamit salamat din sa maraming kasama't kaibigan na tumulong sa amin sa oras ng kagipitan tanda ko ang araw na iyong araw na sagrado Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao salamat at sa tahanan ay muling nakabalik at makata'y nakatulang walang patumpik-tumpik ay, nakakapagod din ang sandaling paglalakbay mabuti't nakauwi kaming loob ay palagay - gregoriovbituinjr. 12.11.2024 * bidyo kuha ng makatang gala ng gabi ng Disyembre 10, 2024, 11:37 pm * mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:  https://fb.watch/wqePxLeyPD/  

Huling gabi na sa ospital

Imahe
HULING GABI NA SA OSPITAL pang-apatnapu't siyam na gabi sa ospital, narito pa kami huling gabi na ito, ay, huli salamat at uuwi na kami nawa dito'y di kami bumalik ni misis, sa bahay na'y pumanhik paggaling niya'y tangi kong hibik na sa tula'y aking itititik tapos na ang apatnapu't siyam na araw at gabi sa ospital hibik ko'y tuluyan nang maparam ang iniinda niyang kaytagal masasabi ko'y pasasalamat sa nagsitulong, sa lahat-lahat nangyaring ito'y nakapagmulat sa aking kayraming nadalumat - gregoriovbituinjr. 12.10.2024

Apatnapu't siyam na araw sa ospital

Imahe
APATNAPU'T SIYAM NA ARAW SA OSPITAL pang-apatnapu't siyam na araw at gabi sa ospital na ito't pauwi na kami silid na ito'y ginawa ko nang aklatan habang bantay kay misis na may karamdaman mapapaluha ka sa presyong tila ginto sa gastos sa ospital, para kang natanso aba'y sadyang tumpak ang kasabihang iyon "Bawal magkasakit"  sa patalastas noon at ngayong Araw ng Karapatang Pantao ang huling araw at gabi na namin dito hinihintay lang ang mga reseta't bilin ng mga doktor bago kami paalisin dugong malapot sa bituka'y pinalabnaw sunod na pagtistis ay mayoma naman daw na panibago rin naming paghahandaan lalo ang gastusin, malaking kabayaran - gregoriovbituinjr. 12.10.2024    

Respeto sa mga babaeng chess players

Imahe
RESPETO SA MGA BABAENG CHESS PLAYERS naabutan natin ang labanang Kasparov-Karpov na talagang bibilib ka sa mga chess grandmasters nang minsang tinalo ni  Judith Polgar  si Kasparov nagbago ang tingin sa kababaihang chess players babaeng chess players ay nakilala mula noon pinatunayan nilang chess ay di lang panlalaki lalo sa mga internasyunal na kumpetisyon may world chess championship din para sa mga babae Paikidze-Barnes, Dorsa Derakhshani, Sara Khadem sila'y mga chess players na nagprotestang mag-hijab upang maglaro ng chess, bansa nila'y katawanin sa iba't ibang bansa, laro nila'y maaalab sa ating bansa, nag-iisa si  Janelle Mae Frayna bilang natatanging chess grandmaster ng Pilipinas sina  Arianne Caoili  at  Jan Jodilyn Fronda  pa na Pinay chess masters na laro'y kagila-gilalas sa mga babaeng chess players, kami'y nagpupugay kayo'y mga  Gabriela't Oriang  sa larong ahedres tangi kong masasabi, mabuhay kayo! Mabuhay! kayo ang mga Qu...

Ang tula, ayon sa palaisipan

Imahe
ANG TULA, AYON SA PALAISIPAN sa  Una Pahalang : isiping pawa ano bang  binibigkas ng makata ? na agad ko namang sinagot:  TULA lalo na't malimit kong kinakatha gayong tula'y bihira kong bigkasin batid kong walang didinig sa akin maliban kung nasa rali't tawagin ay bibigkas ng rubdob ang damdamin makata akong kung magsulat: payak hinggil sa maraming paksang palasak tulad niring sugat na nagnanaknak pluma'y tangan, palad ko'y naglilipak nagbibilang ng taludtod at pantig tiyak may tugma't sukat bawat pintig nitong pusong kaysarap kung umibig at tula'y bibigkasin kong may himig - gregoriovbituinjr. 12.09.2024 * mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 9, 2024, p.11    

Laban sa OSAEC

Imahe
LABAN SA OSAEC muli, mayroong balitang paglabag sa  OSAEC o  online sexual abuse and exploitation of children aba, isa iyong krimeng sadyang kahindik-hindik dahil sariling anak ang ginagamit sa krimen aba'y mantakin mo! sa online ay ibinubugaw ang isang buwang sanggol at kambal na pitong anyos bata pa'y para silang tinarakan ng balaraw dalawang nanay at tiyuhin, ang gamit ay sex toys kahirapan ng buhay ba'y ituturong dahilan kaya binubugaw online ay mga anak nila o yao'y alibi lang sa kanilang kahayukan na pati mga batang walang muwang ay biktima aba'y dapat lang makulong ang mga tarantado hustisya para sa mga bata'y dapat makamit dahil mga bata ang kanilang pineperwisyo bakasakaling ganyang krimen ay di na maulit - gregoriovbituinjr. 12.08.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 4, 2024, headline at 2

PEOPLE muna, sunod ay LIFE at IF

Imahe
PEOPLE MUNA, SUNOD AY LIFE AT IF pagsagot sa cryptogram ay inaaral din bagamat may himaton o clue na binigay mula roon ay iyong pakakaisipin katumbas na letra sa numero'y ilagay upang mabuo ang quotation o sinabi ng taong nakilala sa larangan niya tulad sa cryptogram ngayon, aking namuni sa pagkakakatitig, sagot ko'y  PEOPLE  muna napagitnaan naman ng  L  at  E  ang  IF at  IF  ang unang salita sa pangungusap na nasa gitna ng  LIFE , sistema ko'y What If? hanggang mabuo iyon sa aking hinagap kaya cryptogram ay ganap na nasagutan at nabatid ang sinabi ni Leonardo Dicaprio na mahalagang kasabihan na mailalahok sa kultura ng mundo - gregoriovbituinjr. 12.07.2024 * "If you can do what you do best and be happy, you can further along in life than most people." ~ Leonardo Dicaprio * cryptogram mula sa Philippine Star, Disyembre 7, 2024, p.9

Pagsulat, pagmulat, pagdalumat

Imahe
PAGSULAT, PAGMULAT, PAGDALUMAT nasa ospital man / tuloy ang pagsulat tila yaring pluma / ay di paaawat pagkat tibak akong / layon ay magmulat lalo na't kayraming / masang nagsasalat dapat nang baguhin / ang sistemang bulok at sa sulirani'y / huwag palulugmok dapat baligtarin / natin ang tatsulok at ang aping dukha'y / ilagay sa tatsulok wala nang panahon / upang magpagapi sa mga problemang / nakakaaglahi dapat ipaglaban / ang prinsipyo't puri at dapat labanan / yaong naghahari nadadalumat ko / ang pakikibaka nitong manggagawa't / mga magsasaka bulok na sistema'y / dapat baguhin na karaniwang masa / ang ating kasama tungo sa lipunang / may pagkakapantay mundong makatao'y / layo nati't pakay bagong sistema ba'y / ating mahihintay? o kikilos tayo't / kamtin iyong tunay? - gregoriovbituinjr. 12.07.2024

May kolum pa sa dyaryo ang may arrest order

Imahe
MAY KOLUM PA SA DYARYO ANG MAY ARREST ORDER naulat na wala na sa bansa, Disyembre Kwatro si Harry Roque, spokesperson ng dating pangulo na may arrest order umano mula sa Kamara kung wala na sa bansa, paanong darakpin siya kolum ni Roque'y nalathala, Disyembre Siyete kung nakalabas ng bansa, bakit ito nangyari pa-email-email lang, kanyang kolum ay tuloy pa rin gayong may kaso pala siyang qualified trafficking bagamat animo'y pinaglalaruan ang batas siyang may arrest order, kolum pa'y labas ng labas kalayaan sa pamamahayag pa'y tinamasa tulad ni Amado Hernandez, isang nobelista at kumatha ng mga tulang Isang Dipang Langit sa Bilibid sa Muntinlupa nang siya'y napiit di pa nadakip si Roque, patuloy lang ang kolum ah, pluma'y malaya sa harap man ng paghuhukom pluma ng makatang tibak tulad ko'y di mapigil kung mapiit muli't sa aktibismo'y sinisiil tunay na sagrado ang kalayaang magpahayag kahit sa batas ng estado'y mayroong paglabag - gregoriovbituinjr...

Manny Pacquiao, malalagay sa Boxing Hall of Fame

Imahe
MANNY PACQUIAO, MALALAGAY SA BOXING HALL OF FAME buong pagpupugay sa  Pambansang Kamao Manny Pacquiao  na natatanging boksingero nakamit niya ang iba't ibang titulo sa walong dibisyon ay nagkampyong totoo sa  International Boxing Hall of Fame  naman sa Hunyo, sunod na taon pararangalan tulad ni Flash Elorde ay pagpupugayan dahil sa ambag sa boksing, sa palakasan naging kampyon si Pacquaio sa iba't ibang weight una, flyweight; ikalawa, superbantamweight, sunod ay featherweight, superfeatherweight, lightweight, superlightweight, welterweight, at junior middleweight ang tinalong kampyon: Chatchai Sasakul, una sunod ay sina Lehlohonolo Ledwaba,  Erik Morales, Marco Antonio Barrera, Juan Manuel Márquez, at Oscar De La Hoya tinalo din sina Clottey, Larios, Algieri, Miguel Cotto, Vargas, Solis, Lucas Matthysse, Ricky Hatton, Broner, Thurman, Timothy Bradley, Rios, Antonio Margarito, at Shane Mosley sa Boxing Hall of Fame, sa pagsikat ng araw ay magniningning ang pangal...

Istranded sa ospital

Imahe
ISTRANDED SA OSPITAL di makalabas, di pa kumpleto ang bayad ganitong sistema'y talagang nalalantad paano makakahanap ng pera agad lalo't lahat na ng ipon nami'y nasagad di pwedeng promissory note sa hospital bill dito na ba kami sa ospital titigil parang bahay na sa isang buwang pagtigil ngayon, parang piitan, luha'y di mapigil  higit kalahating milyon, hahanapin pa paano ba malutas ang ganyang problema ang professional fee ng doktor ay wala pa aba'y labing-apat na doktor lahat sila mag-promissory note sa doktor, maaari ngunit di sa hospital bill, di ko mawari  baka pag di nabayaran, sila'y malugi magpapirma sa mga doktor ang mungkahi kaya ito muna ang aming kinakayod hagilapin ang mga doktor ang kasunod ramdam ko'y nadudulas sa mga alulod nakakabangon din, may sugat man ang tuhod - gregoriovbituinjr. 12.07.2024

Almusal

Imahe
ALMUSAL payak ang aming almusal dito pa rin sa ospital isang pares ng pandesal at omelet, lutong lokal warfarin diet si misis gumanda kaya ang kutis katawan kaya'y humugis o katulad ko'y numipis ako'y magkakape muna habang kasama ang sinta sana siya'y gumaling na sa sakit na nanalasa dito'y higit isang buwan kayraming natutuklasan nalalagay sa tugmaan mula sa puso't isipan - gregoriovbituinjr. 12.07.2024

Dalawang anekdota sa pinuntahan kahapon

Imahe
DALAWANG ANEKDOTA SA PINUNTAHAN KAHAPON Dalawa ang pakay ko kahapon, ang magpapirma sa mga doktor para sa promissory note at pumunta muli sa DSWD. Kaya dalawang klaseng tao ang nakausap ko - doktor at social worker. Kailangan kong magpapirma sa labing-apat na doktor na tumingin kay misis para sa promissory note upang makalabas ng ospital. Hindi raw kasi maaari ang promissory note pag hospital bill, na dapat daw ay bayaran ng buo. Pang-apatnapu't limang araw na namin ngayon, sabi ng mga doktor ay pwede na siya lumabas. Subalit sa billing station, hindi pa hangga't di nabubuo ang bayad. Nakapapagpapirma ako sa unang doktor na dumalaw kay misis nang magtungo ako sa kanyang tanggapan, ikasampu ng umaga kahapon. Sa ikalawang doktor naman ay nakapagpapirma ako bandang alas-onse y medya. Nang mapirmahan niya iyon, sabi niya sa kanyang sekretarya,  "Ito 'yung pasyenteng takot na takot kami dahil baka mamatay. Buti naman at naagapan." Ikalawa, nang magtungo ako sa DSWD dah...

Kasabihan sa dyip

Imahe
KASABIHAN SA DYIP mayroong kasabihang nakita sa sasakyan  agad kong kinodakan paksa sa panulaan kasabihang nahagip na nakapaskil sa dyip paalalang nalirip na ngayo'y halukipkip "nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa" kalahating tanaga nababasa ng madla na nagsisilbing aral habang natitigagal lalo na't anong tagal ni misis sa ospital  pampatanggal depresyon na aking danas ngayon ramdam ko'y nilalamon ang wala ng mayroon - gregoriovbituinjr. 12.06.2024

Balik upak

Imahe
BALIK UPAK tila ba bagong pananagalog BALIK UPAK  ang sabi sa ulat kakaiba kumbaga sa tugtog ang salitang nais ipakalat dalumat naman ang kahulugan balik upak , balik sa ensayo may laban nang pinaghahandaan itong magaling na boksingero dagdag sa arsenal ng makata ang sa ulat ay mga kataga marahil di bago kundi luma o gayon ang salin ng salita napupuno ang bokabularyo sa mga salitang pinauso na magagamit sa tula't kwento na ngayon ay sinisimulan ko - gregoriovbituinjr. 12.06.2024 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 4, 2024, pahina 12

Aklatan ko sa ospital

Imahe
  AKLATAN KO SA OSPITAL tila may mini-library ako sa ospital sa dami ng libro na pawang noon pa'y nabili ko at ngayon lang nababasa ito pinagkakaabalahang sukat bukod sa kwaderno't pluma'y aklat malaking oras ang magbulatlat ng pahina't paksang mapagmulat habang bantay sa silid ni misis basa muna't buryong ay maalis bakit kaya may pagmamalabis at dukha sa hirap nagtitiis ganyang sistema ba'y nalulunok? iyan ba sa kanila'y pagsubok? bakit nga ba ang sistema'y bulok? dukha ba'y malalagay sa tuktok? bakit sa mundo'y katanggap-tanggap na may mayaman at may mahirap pagbabasa'y gawin nating ganap magbasa at kamtin ang pangarap - gregoriovbituinjr. 12.06.2024

Salamisim

Imahe
SALAMISIM isang buwang higit sa ospital di sapat ang pambayad, kaymahal narito kaming di makalabas kundi muna mabuo ang bayad kay misis kanina'y nasabi ko noong nilakad ko'y dokumento "sa ospital ay uuwi ako" akala mo'y bahay namin ito sana may mahanap pang salapi baka sa lotto kami'y magwagi magsangla kung merong pag-aari o kaya'y magbenta na ng puri sana'y may mahagilap pang pera nang sa ospital makalabas na ay, dito na ba kami titira? gayong kwarto'y kaymahal talaga nababaon na kami sa utang panay lang ang paghanap, sige lang anong gagawing pamamaraan? upang makalabas nang tuluyan?! - gregoriovbituinjr. 12.05.2024

Kaligtasan

Imahe
KALIGTASAN kaligtasan niya'y prayoridad ito ang talaga kong naisip nang karamdaman niya'y nalantad sa akin, dapat siyang masagip dinala sa ospital na iyon upang magamot siyang totoo nang di pa batid ang presyo niyon lumobong dalawang milyong piso subalit dapat siyang magamot malutas agad ang sakit niya at maligtas sa gayong bangungot kaya agad siyang inopera pagkat tiyak na ang kamatayan kung bituka'y tuluyang mabulok lapot ng dugo'y kaytindi naman oxygen sa ugat di pumasok bagamat sa pambayad pa'y kapos kaya di pa makalabas dito mahalaga siya'y nakaraos pantustos ay hanap pang totoo paglabas, gamutan ay patuloy blood thinner ay madalas bibilhin upang sa ugat ay mapadaloy nang sa sakit tuluyang gumaling - gregoriovbituinjr. 12.05.2024

Tulok

Imahe
TULOK Una Pahalang, tanong ay  TULOK tila ba kaylalim na Tagalog isip-isip, katugma ng TULOG kaya Pababa muna'y sinagot hanggang natanto ko't natandaan sagot sa dating palaisipan tila ba dumi sa tainga iyan at nakita nga ang kasagutan kahulugan ng  TULOK  ay  LUGA ah, nasagutan ko rin ng tama dagdag-kaalaman sa salita na magagamit din sa pagtula kaya sa krosword, salamat muli at itong utak ko'y nakabawi palaisipan ay sadyang binhi sa talasalitaan ng lahi - gregoriovbituinjr. 12.04.2024 * palaisipan mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 4, 2024, pahina 11

Banner ng TFDP

Imahe
BANNER NG TFDP nakasakay akong dyip puntang pagamutan tinatakang banner sa Kamias nadaanan TFDP  iyon, agad kong kinodakan naghahanda na sa  Araw ng Karapatan lampas isang buwan na kami sa ospital di ko sukat akalaing gayon katagal na nagbabantay sa aking asawang mahal ay, ramdam ko pa rin ang pagkakatigagal ngunit nang makita ang banner ay sumigla nabuhay ang loob mula pagkatulala biglang lumakas ang katawan, puso't diwa tila naalpasan ko ang kaytinding sigwa kaya sa  Araw ng Karapatang Pantao sa pagkilos nila'y sasama muli ako panata sa sarili'y magsilbing totoo sa masa, sa maralita't uring obrero - gregoriovbituinjr. 12.04.2024 * TFDP - Task Force Detainees of the Philippines 

Pila

Imahe
PILA mahaba ang pila sa DSWD kanina pang umaga, pumila'y kayrami nagbabakasakaling may makuha dini upang sa ospital, may maibayad kami hapon na, ngunit di pa magawa ang mithi ganyan ang buhay, kayraming bakasakali dapat handa ka ring ang gutom ay mapawi magbaon ka ng biskwit at tubig palagi buti na lang, kami'y may silya't nakaupo kundi tiyak ngalay kami sa katatayo dokumento'y tiyakin mong kumpleto 't buo nang di ka naman uuwing lulugo-lugo tiyaga-tiyaga lang, sa sarili'y bilin maya-maya lang ay makakausap na rin ako ng social worker, kakapanayamin para sa guarantee letter na aking kukunin - gregoriovbituinjr. 12.03.2024 * DSWD - Department of Social Welfare and Development * litratong kuha ng makatang gala bandang ikatlo ng hapon ng Disyembre 3, 2024

Bukangliwayway

Imahe
BUKANGLIWAYWAY kaytagal nahimbing kay-agang nagising agad nang naligo baho'y pinaglaho dapat gumayak na at kumain muna kaylayong totoo ng pupuntahan ko barya ko'y binilang tungong pupuntahan saan ba aabot ang baryang nadukot sa aking pantalon nang tupdin ang layon ah, kaygandang ugnay ang bukangliwayway - gregoriovbituinjr. 11.03.2024

Nilay

Imahe
NILAY nakikibaka pa rin kahit ako'y gabihin kahit dito'y ginawin kahit walang makain tibak kaming Spartan ay patuloy sa laban nais naming makamtan pangarap na lipunan at dapat ding isipin ang kalusugan natin habang papag-alabin ang puso't diwa pa rin para sa masa't uri obrero'y ipagwagi mga pag-aaglahi'y di dapat manatili - gregoriovbituinjr. 12.02.2024

40 days at 40 nights na sa ward

Imahe
40 DAYS AT 40 NIGHTS NA SA WARD umabot na kami ng apatnapung araw at apatnapung gabi dito sa ospital kaytagal namalagi, pagkain ay lugaw paano'y naoperahan dito si mahal sa isang munting sakit, maraming nakita mula gall stone at gerd, mayroon palang blood clot namuo ang dugo sa bituka, nagbara at di makapasok ang oxygen sa ugat siya'y naoperahan, hanggang naimpeksyon ang dugo, dalawang linggong antibayotik na anong lakas daw, ramdam ni misis iyon at sa harap niya, ako'y di makahibik rare case, anang mga doktor, may mayoma pa ilang beses siyang sinalinan ng dugo dahil anong baba ng hemoglobin niya ah, kailan ba sakit niya'y maglalaho nagsagawa pa nga ng bone marrow biopsy na pangatlong eksamen kung sanhi ba'y ano di pa batid sa pagsususuri ang nangyari lalo't resulta ng biopsy: negatibo mabuti't guarantee letter na'y nagsipasok malaking tulong sa kaymahal na gamutan kung saan kukuha ng pera'y di maarok upang ipandagdag sa aming babayaran - gregoriovbi...

The artistry and activism in me

Imahe
THE ARTISTRY AND ACTIVISM IN ME when painter  Marcel Duchamp  died that was the day I was born when massacre of  students  in Tlatelolco, Mexico  happened that was the day I was born a painter died, a future poet  was conceived from her mother's womb protesting students were massacred a future student and activist was conceived from her mother's womb in my blood is the shaper of words in Filipino who's father is a Batangueno who's mother is a Karay-a from Antique who inculcated in me words that is deep even if I was raised as a Manilenyo also in my blood were  Spartan activists who fight for equality, justice and truth Duchamp and the Tlatelolco students have died the day I was born their memory and legacy will be in my blood, brain, heart and bone I will continue the artist in me I will continue the activist in me I don't usually believe in what they call reincarnation I just thought that the date of their  death is the same as my birth I was bor...

Disyembre na naman

Imahe
DISYEMBRE NA NAMAN ramdam ang simoy ng hanging amihan na tanda ba ng parating na ulan? Disyembre na, marahil kaya ganyan o  climate change , klima'y nag-iba naman unang araw ng Disyembre,  World AIDS Day a-syete,  Political Prisoners Day sa ikasiyam,  Anti-Corruption Day sa petsa sampu naman,  Human Rights Day may sanlinggo pang ang dukha'y hihibik yaong  Urban Poor Solidarity Week na baka gawing  Urban Poor Protest Week pagkat sa hirap pa rin nakasiksik tatlong linggo na lamang at  Pasko  na paulit-ulit, wala bang pag-asa? kayrami pang palaboy sa kalsada kayrami pa ring hanap ay hustisya! - gregoriovbituinjr. 12.01.2024