Biyernes, Enero 30, 2026

Buting may ginagawâ - tanaga baybayin

buting may ginagawâ
kaysa nakatungangâ
buti nang tumutulâ
di man kinakalingâ

- tanaga-baybayin
gbj/01.30.2026

Alex Eala at Alex Pretti

ALEX EALA AT ALEX PRETTI

dalawang Alex ang bandera ng balita
isa'y Pinay tennis star ng ating bansa
isa naman ay nurse na itinumbang sadya
kaya sa U.S. nagpoprotesta ang madla

si Eala ay nasa kauna-unahang
Philippine Women's Open na dito naman
sa bansa ginanap dahil sa kasikatan
niya sa mundo't mga napagtagumpayan

si Pretti nama'y isang intensive care nurse
na tinadtad ng bala ng mga ahente
ng U.S. Customs and Border Protection
sa rali bunsod ng pagpaslang kay Renee Good

si Eala nga sa tennis ay inspirasyon
sa bawat laban ay dala niya ang nasyon
si Pretti'y biktima ng U.S. immigration
kay Trump ay crackdown sa illegal immigration

kay Alex Eala, mabuhay! pagpupugay!
na sa buong mundo'y pinakita ang husay!
sa pamilya ni Pretti, taos na pagdamay!
sana ang hustisya'y makamit niyang tunay!

- gregoriovbituinjr.
01.30.2026

Mga Pinaghalawan:

FPJ: Magaling sa halabót

FPJ: MAGALING SA HALABÓT

ilang beses kong si FPJ pinanood
na sa mga bakbakan, kaybilis bumunot
kapag mga kontrabida na'y nagsisugod
bibilib ka sa kanyang galing sa halabót

pinanonood namin siya sa sinehan
noong nag-aaral pa't aking kabataan
napanood ko nga ang Isang Bala Ka Lang!
Batas ng Lansangan, Dito sa Pitong Gatang,

Pakner, apat na seryeng Panday, Asedillo,
Ang Dalubhasà, Maestro, Eseng ng Tondo
Lakay, Pepeng Kaliwete, Roman Rapido,
Batang Quiapo, Batas ng Kwarenta'y Singko

ilan ay napanood ko sa telebisyon
sa FPJ sa GMA na serye noon
Fernando Poe Jr., National Artist ngayon
mga kwento ng api, sa puso'y bumaón

- gregoriovbituinjr.
01.30.2026

* halabót - biglaang pagbunot, gaya ng baril mula sa kaluban nito
* halaw mulâ sa Diksiyonaryong Adarna, p.287

Huwebes, Enero 29, 2026

Halagap at linab

HALAGAP AT LINAB

malalalim o kaya'y lumà
ang mga gamit na salitâ
minsan di agad maunawà
pagkat sa diwa'y bagong sadyâ

ang tanong sa Sampú Pahalang:
Halagap ng sebo, di alam
Linab ang naging kasagutan
mabuti't akin nang nalaman

ang krosword nga'y ganyan madalas
may salitang kang makakatas
bago man o luma'y lalabas
na sa krosword unang nawatas

salamat sa krosword na ito
at may natutunan pang bago
na magagamit ko sa kwento
at tulang isinusulat ko

- gregoriovbituinjr.
01.29.2026

* krosword mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 29, 2026, p.11
* kahulugan ng halagap at linab, mula sa Diksiyonaryong Adarna, pahina 287 at 530

Mag-ingat laban sa Nipah virus

MAG-INGAT LABAN SA NIPAH VIRUS

mag-ingat po tayo laban sa Nipah virus
na may outbreak umano sa West Bengal, India
natala raw noon ang labimpitong kaso
ng Nipah virus doon sa Sultan Kudarat
higit sampung taon na ang nakararaan

kabilang sa sintomas nito ang trangkaso
na ilan sa mga pasyente'y nakitaang
namamagâ ang utak o encephalitis
at impeksyong meningitis na nakuha raw
matapos kumain ng karne ng kabayo

at nahawa sa mga taong apektado
paniki't baboy pa'y ilan sa sanhi nito
kaytindi na ng naranasan sa pandemya
ang Nipah virus ay nakapag-aalala
sana ang ating bansa'y bantayan talaga

- gregoriovbituinjr.
01.29.2026

* ulat mulâ sa pahayagang Abante at Pilipino Star Ngayon, Enero 29, 2026, p.2

Ang katalinuhan ng mabagal na pagong

ANG KATALINUHAN NG MABAGAL NA PAGONG
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mahusay ang mabagal na pagong. Marami nang magkwento nito.

Kahit ang pambansang bayaning si Gat Jose Rizal nga'y kumatha ng klasikong pabulang Ang Pagong at ang Matsing. Ito ang pinagmulan ng kawikaang "tuso man ang matsing, napaglalalangan din."

Bata pa ako'y napanood ko na si Pong Pagong at Kiko Matsing sa palabas na Batibot na parang Sesame Street sa Amerika. Batay din ang karakter nila sa kathâ ni Dr. Rizal.

Napanood ko rin noon ang Teenage Mutant Ninja Turtles na apat silang ipinangalan sa mga sikat na pintor na sina Michaelangelo, Leonardo, Donatello at Raphael.

Kilala ang pagong na mabagal maglakad, subalit matiyagâ. Sa pabulang Ang Pagong at ang Kuneho ni Aesop, naghamunang magpabilisang makarating sa itinakdang dulo o finish line sina Pagong at Kuneho. Subalit nauna si Pagong na marating ang dulo o finish line dahil sa kanyang tiyaga habang ang mabilis tumakbong si Kuneho ay namahinga pa sa kalagitnaan. Nadaanan siya ni Pagong na natutulog. Nang magising si Kuneho, nasa finish line na si Pagong. Ang aral doon, maging matiyagâ at huwag maging mayabang.

Nabasa ko rin ang pabulang Ang Pagong at ang Kalabaw. Naalala ko tuloy noong aking kabataan na sinasambit noon ang sikat na awit o tula na Pen Pen de Sarapen. Dahil nakasulat doon si Kalabaw. Basahin natin:

Pen-pen, de sarapen
De kutsilyo, de almasen
Haw-haw de karabaw, batutin
Sipit namimilipit
Gintong pilak namumulaklak
Sa tabi ng dagat

Ano nga ba ang kwento nina Pagong at Kalabaw? Ayon sa nabasa ko, naghahanap si Kalabaw ng tubig na maiinom at nais siyang tulungan ni Pagong. Ituturo daw ni Pagong ang pinakamalapit na bukal.

Subalit naisip ni Kalabaw na napakabagal ni Pagong, tulad ng Susô dahil pasan nila ang kanilang bahay. Kayâ paano niya susundan si Pagong kung mabagal itong maglakad. Uhaw na si Kalabaw. Ngunit nasaktan si Pagong sa sinabi ni Kalabaw.

Kayâ hinamon niya si Kalabaw sa isang paligsahan kung sino ang unang makarating sa dulo ng pitong burol. Ayaw ni Kalabaw subalit sinabihan siyang duwag ni Pagong pag hindi siya pumayag at mababatid iyon ng iba pang hayop.

Kayâ pumayag si Kalabaw. Kinausap naman ni Pagong ang iba pang Pagong upang mag-isip ng istratehiya. Magaganap ang paligsahan sa loob ng tatlong araw upang maimbitahan pa ni Kalabaw ang kanyang mga kaibigang sina Baka, Tamaraw at Kambing. Kinausap naman ni Pagong ang pito sa kanyang mga kaibigang pagong upang hatiin ang karera. Nagkasundo silang lahat na gapiin si Kalabaw.

Sa araw ng karera, nagkita sila malapit sa unang burol. Nang magsimula ang karera, naglakad-lakad na si Kalabaw. Di na siya tumakbo dahil tingin niya'y mabagal naman si Pagong. Di nagtagal ay nawala sa kanyang paningin si Pagong habang naglalakad siya palayo. Nang marating niya ang tuktok ng unang burol, nagulat siya nang makita si Pagong. Tumalon-talon pa si Pagong nang makita niya si Kalabaw at bumaba na ng burol.

Nagulat, napatakbo na si Kalabaw upang makarating agad sa ikalawang burol. Aba'y naroon na si Pagong!

Kumaripas ng takbo si Kalabaw patungo sa ikatlong burol. Muli, lumitaw si Pagong sa tuktok ng burol!

Ganoon pa rin ang nangyari sa mga pinuntahan pa niyang burol. Nang marating ni Kalabaw ang ikapitong burol, hingal-takbo na siya! Subalit naroon na si Pagong, nauna na kay Kalabaw. Nagwagi si Pagong!

Napag-isip ni Kalabaw na di siya dapat natalo kay Pagong. Sa kanyang inis, sinipa niya nang napakalakas si Pagong na nasa ikapitong burol, kaya lumipad ito sa ere! Ngunit dahil matigas ang balat ng mga pagong, hindi ito nasaktan. Subalit si Kalabaw ang nasaktan! Habang umaaringking sa sakit si Kalabaw, tiningnan niya ang kanyang kuko! Nahati ito sa dalawa. At iyon ang dahilan kung bakit ang mga kalabaw ay may hati sa kuko.

Dito'y ipinakita ni Pagong ang kanyang talino, habang akala ni Kalabaw ay isang pagong lang ang kalaban niya. Kung alam lang niya, sa pitong pagong siya nakipagpaligsahan. Pinagtulungan na pala siya!

May pagkakatulad ang kwentong Ang Pagong at ang Kalabaw sa isa pang pabulang Pilipino mula sa Cordillera, na nabasa ko rin. Iyon naman ay sa pagitan ng Kuneho at Susô (The Rabbit and the Snail). Gayon din ang banghay ng kwento, at ang marami ring susô ang tumulong sa kanilang kaibigang susô  na hinamon ng karera ng kuneho.

Kaya tama ang sinabi ni Dr. Jose Rizal, "Tuso man ang matsing ay napaglalalangan din" o naiisahan ng pagong. Tulad ng inilarawan ni Aesop at ng isang kwentong Pinoy. Mabagal man dahil pasan ang bahay, kung mag-isip ay matalinong tunay.

kaybagal man, kayhusay ni Pagong
mataktika't talagang marunong
ikinwento na ni Aesop noon
na sadyang mababasa pa ngayon

kwentong kayganda ring pagnilayan
may magagawa inaapi man
inuuyam man sa kabagalan
mahinahon at di nagyayabang

tusong matsing nga'y kanyang tinalo
sa karera'y talo ang kuneho
kalabaw nga'y tinalong totoo
ang pagong nga'y sadyang kaytalino

kung Batibot napanood n'yo rin
bida'y Pong Pagong at Kiko Matsing
tiyak kayo'y may natutunan din
at kabataan n'yo'y kaysaya rin

01.29.2026

* litrato mula sa google

Fu Dalu


FU DALU

kung sakaling dalawin ni Fu Dalu,
ang tagahabi ng mga pangarap,
ay makapagtitirintas ng kwento
at tulang nasalubong sa hinagap

dinadalaw niya sa panaginip
ang mga kababaihang Tboli
upang ipakita ang halukipkip
niyang disenyo para sa tinalak

o yaong mga hibla ng abaka
na tinitina at kinukulayan
sa pamamaraang ikat bago pa
iyon habihin upang maging tela

si Fu Dalu, diyosa at dreamweaver,
ay magpakita sana sa makatâ
o baka nakita na bilang bearer
na naghayag ng samutsaring paksâ

sakaling sa abaka ko isulat
ang aking tulâ sa anyong baybayin
kanyang disenyo'y itutulang sukat
si Fu Dalu kayâ ako'y dalawin?

- gregoriovbituinjr.
01.29.2026

* unang dalawang litrato mula sa google
* hinalaw ang Tboli, tinalak, at ikat sa Diksiyonaryong Adarna, pahina 337, 915, at 928

Buting may ginagawâ - tanaga baybayin

buting may ginagawâ kaysa nakatungangâ buti nang tumutulâ di man kinakalingâ - tanaga-baybayin gbj/01.30.2026